Sa paglalagay ng pamahalan ng mga restriksyon dulot ng pagkalat ng nakahahawang corona virus disease o mas kilala sa tawag na COVID-19, maraming pamilya ang napalitang hindi lumabas ng kanilang mga bahay kahit na walang sapat na makakain. DIto lalong nakita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na pagkain sa loob ng mga tahanan, lalo na sa mga bahayan na nasa urban areas kung saan limitado ang aktibidad ukol sa pagprodyus ng pagkain.

At hindi na nga nakagugulat na ang mga maliliit na komunidad na nakadepende lamang sa mga matatanggap na donasyon at ayuda ang lubhang apektado na naturang krisis sa pagkain, kahit na sa kasalukuyang panahon na mas maluwag na ang mga restriksyon dulot ng positbong epekto ng pagbabakuna. Mahalagang paghandaan pa rin ang mga katulad na sakuna na maaaring mangyari.

Sa ganitong dahilan ay pinangunahan ng Department of Science and Technology Regional Office III o DOST-III, katuwang ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development o DOST-PCAARRD, ang pagbibigay ng angkop na interbensyon sa Bahay at Yaman ni San Martin De Porres, Inc. o BYSMPI, isang bahay-ampunan sa Bustos, Bulacan kabilang na ang Pinggang Pinoy, isang program ng DOST-Food and Nutrition Institute na may adbokasiyang magkaroon ng balanseng diyeta ang mga kabataan kabilang na ang mga residente ng naturang ampunan.

Sa pangunguna ni Rev. Fr. Florentino Concepcion ay mahigit dalawang dekada nang nagiging tahanan ng mga ulila at naabusong mga kabataan ang BYSMPI. Sa kasalukuyan ay may 143 kabataang mula sa iba’t ibang urban poor community, hindi lang sa Bulacan, kung hind sa ibang parte rin ng Rehiyon III, Metro Manila, IV-A, at MIMAROPA.

Sa labing-anim na hektaryang lupain na pagmamay-ari at mina-manage ng BYSMPI, higit sa walong hektarya nito ay nakalaan sa pagtatanim ng palay. Bagama’t ang gawaing ito ay nakatutulong upang matugunan ang kaukulang nutrisyong kailangan ng mga bata, nakadepende pa rin ang BYSMPI sa mga donasyon na ibinibigay ng mga indibidwal at pribadong organisayon sa loob at labas ng bansa.

Upang matulungan ang BYSMPI na makapagbigay ng balanseng diyeta sa mga residente nito, nakipagtulungan ang DOST-III sa iba’t ibang tanggapan tulad ng Department of Agriculture Regional Field Office III, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Bulacan Office of the Provincial Agriculturist, Central Luzon State University, at Pampanga State Agricultural University sa pagtatayo ng produksyon ng free range chicken, aquaponics and vertical farming system, tilapia production system, taniman ng gulay, at gilingan ng brown rice.

Ang istratehikong pagtatayo ng mga pasilidad na ito ay makatutulong na masiguro na tuloy-tuloy ang Pinggang Pinoy program.

Sa kabilang banda, ang implementasyon ng naturang proyekto ay nakatulong na maging resilient at self-sustaining community ang Insitusyon at mabawasan ang pag-asa nito sa mga donasyon. Nagbigay rin ito ng dagdag na kita para sa BYSMPI community, kabilang na ang pagsusuplay ng free-range chicken stock sa Indigenous Peoples Communities sa Pampanga.

Tunay nga na walang hanggan ang posibilidad sa paggamit ng agham at teknolohiya bilang solusyon sa iba’t ibang problema, (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula sa PSTC-Bulacan)