Nakadiskubre ng bagong teknolohiya at inobasyon sa larangan ng pagkain, sa pamamagitan ng gourmet salts ang mga Pilipinong mananaliksik mula sa Department of Science and Technology- Industrial Technology Development Institute (DOST-ITDI), na siyang maaring makatulong sa pagsulong ng industriya ng asin sa bansa.

Kamakailan lamang, nasungkit ng Flavored Salt at Food Seasoning ang Bronze Award sa katatapos lang na 49th International Exhibition of Inventions sa Geneva, Switzerland.

“[The] DOST-ITDI developed the flavored salts after conducting a stakeholder meeting with the local salt producers in Pangasinan in 2015. The goal was to help the Philippine local salt producers add more economic value to the salts they produce”, saad ni Dr. Annabelle Briones, technology generator ng nasabing imbensyon.

“There are 146 inventions in the category in which the flavored salts participated. The project team did not expect that we would be bringing home a bronze award for the flavored salts”, dagdag pa niya.

Ayon kay Briones, ang ordinaryong mga asin sa bansa ay hinahaluan ng umami tastant, o malasang sangkap na hinango mula sa brine solution ng tiger prawn shrimp, shiitake mushrooms at sea grapes or green caviar.

Ang proyektong ito ay parte ng I-Salt Program, na pinondohan ng DOST-Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development (DOST-PCIEERD), na nagsimula pa noong Hulyo 2017 at nagtapos naman noong Marso 2019.

Ang proyektong I-Salt o ang Iodized Salt Processing Model and Design ay naglalayong pataasin ang kalidad ng mga asin sa bansa.

Dagdag pa ni Briones, ang imbensyon na ibinida sa internasyunal na entablado ay naglalayong pababain ang paggamit ng asin sa pamamagitan ng pagdisenyo ng bagong aroma, panlasa, at istraktura ng mga luto at na-prosesong mga asin.

“With the flavored salts, the once low-quality Philippine sea salt is now leveled up with an umami taste and can be sold for a higher price”, saad ni Briones.

Dagdag pa niya, ang mga asin na may halong pampalasa ay maganda ring alternatibo dahil mas mababa ang nilalaman nitong sodium kaysa sa nakasayang asin na ginagamit ng publiko.

Nasa 85 porsyento ng taunang pangangailangan ng asin sa bansa ay lokal na nagmumula sa Bulacan, Pangasinan, Occidental Mindoro at Cavite.

Gayunpaman, ipinapakita sa datos mula sa National Fisheries Research and Development Institute (NFRDI) na ang Pilipinas ay gumagawa ng humigit-kumulang 114,623.29 tonelada ng asin taon-taon, na nasa halos 17 porsyento lamang ng kabuuang demand ng bansa. 

Nangangahulugan ito na ang bansa ay nag-aangkat ng nasa 90 porsyento ng asin nito mula sa bansang gaya ng Australia at China, kahit na napaliligiran ito ng tubig-dagat. 

Ang mga gourmet salts, na maaari ring ibenta sa mas malaking halaga ay maaring makatulong sa pag-angat sa mga lokal na producer ng asin sa bansa.

Habang ang mga flavored salts na ito ay hindi pa rin ibinebenta sa merkado, ang DOST-ITDI ay nakikipag-ugnayan na sa mga posibleng manufacturers na maaaring magkomersyal ng produkto.

Bukod sa umami flavored salts, ang DOST-ITDI Chemicals and Energy Division ay mayroon na ring inobasyon gaya ng smoked-flavored salts, o mga asin na pinausukan sa dahon ng mangga, bayabas, at sampalok.

Ayon kay Briones, interesado rin ang kanilang grupo sa pagbuo at pagpapanatili ng mas maraming artisanal na lokal na asin at paggalugad ng iba pang mga lasa.

A basket of condiments and a flag

Description automatically generated

A person holding a certificate and a medal

Description automatically generated

Isa sa mga mananaliksik ng inobasyong Flavored Salt at Food Seasoning na si Ms. Maricar Carandang, Senior Science Research Specialist ng DOST-Industrial Technology Development Institute, na siyang tumanggap ng pagkilala sa 49th International Exhibition of Inventions Geneva (IEIG) noong Abril 2024. (Larawan mula sa Facebook Page ng Chemicals and Energy Division ng DOST-ITDI)