Makulay na kasuotan at mayaman na kultura—dito kilala ang lungsod ng Davao. Kaya naman upang mapalago at mapanatiling buhay ang kanilang mayaman na tradisyon, inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) sa pangunguna ni Dr. Anthony C. Sales ng DOST-11 ang programang Grassroots Innovation for Inclusive Development (GRIND) noong 2019.
Layunin ng GRIND ay paunlarin ang tradisyonal na kagamitan at kasanayan ng mga katutubong komunidad. Nagbibigay rin ang programang ito ng oportunidad na pagandahin ang kabuhayan at ekonomiya ng mga katutubo mula sa indigenous areas.
Sa ika-6 na bahagi ng Science Pinas na programa ng DOSTv, broadcast channel ng DOST, ipinaliwanag ni Philippine News Agency Northern Mindanao Bureau Chief Nef T. Luczon ng Philippine News Agency na ang GRIND program ay sumusuporta sa mga indigenous peoples (IP) ng Higaonon upang mapahusay ang kanilang pamamaraan ng paghahabi.
Sa tulong nito, inaasahang tataas ang market value ng kanilang mga produkto at mas maraming tao ang mahihikayat na ipagpatuloy ang sining ng paghahabi.
GRIND para sa mga katutubo
Ang primary target ng GRIND ay ang mga katutubong komunidad na galing sa geographically isolated and disadvantaged areas o GIDA—mga lugar na malalayo at karaniwang hindi naaabot ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno. Ayon sa Department of Social Welfare and Development, ang mga halimbawa ng mga GIDA sa Pilipinas ay ilang barangay sa Bulacao City sa Oriental Mindoro, Corcuera City sa Romblon, at sa Toril, Davao city.
Ayon kay Assistant Regional Director ng DOST-11 na si Mirasol G. Domingo, ang mga komunidad na nasa GIDA ang pangunahing prayoridad ng programang GRIND dahil limitado ang kanilang access sa makabagong teknolohiya.
Sa tulong ng siyensya, teknolohiya, at inobasyon, mas mapabubuti ang kalidad ng buhay ng mga komunidad na galing sa GIDA.
Binudbod: Proseso ng pagkukulay ng tribong Bagobo-Tagabawa
Isa sa beneficiary ng programang GRIND ay tribong Bagobo-Tagabawa ng Toril, Davao City na gumagawa ng paggawa ng natural na pangkulay o natural dye. Gamit ang luyang dilaw o turmeric, gumagawa sila ng natural na pangkulay na ginagamit na pangdisenyo ng mga tradisyonal na kasuotan.
Upang makagawa ng natural dye, kinakailangan munang ikayod at ilaga ang turmeric upang makuha ang katas at kulay nito. Kapag handa na, inilalapat na ito sa tela upang makalikha ng mga disenyo. Ang tawag sa prosesong ito ay “Binudbod”, na nanggaling sa salitang tali o pagtatali dahil ang paggawa ng disenyo ay ginagawa sa pamamagitan ng pagtali ng tela.
Ang prosesong “Binudbod” ay may pagkakahalintulad sa tie-dyeing ngunit ito ay nagtataglay ng natatanging kultura at inobasyon dahil sa halip na goma ang ginagamit para sa pagtali, tali gawa sa abaka ang gamit at luyang dilaw naman ang ginagamit na pangkulay.
Pinaliwanag rin ni Mervin To-Ong na miyembro ng naturang tribo, ang bawat disenyo ng kasuotan ay may makabuluhang simbolismo, tulad ng tatsulok na sumisimbolo sa langit, tao, at lupa.
Pagsasanay ng DOST-PTRI at DOST-11
Ibinahagi naman ni GRIND National Focal Person Mary Luz Advincula-Niere ang kanilang pakikipagtulungan sa DOST-Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI) sa pagsasagawa ng training-workshop sa proseso ng pagkuha at paggamit ng natural na pangkulay ng tribong Bagobo-Tagabawa.
Ang interbensyong ito ay nagpapakilala ng bagong teknolohiya upang mas pahusayin ang kanilang natural dyeing processes habang pinananatili ang kanilang tradisyonal na kasaysayan.
“Kaunti na lang ang mga gumagawa ng natural dye, so importante rin ito sa kanila ‘cause this is part of their culture, their cultural identity,” ani Niere. Dagdag niya, mahalaga ang natural dye ng tribong Bagobo-Tagabawa sa pagpapanatili ng kultural na pagkakakilanlan ng kanilang tribo.
Bukod sa natural dyes, ang DOST-PTRI ay nakipagtulungan din sa mga katutubong grupo upang suriin ang mga materyales na kanilang ginagawa kagaya ng sinulid na mayroong pinya, abaka, at saging.
“Sinusubukan natin na mabalik ‘yung paggamit nila ng mga natural na mga materyales at maiwasan natin or mabawasan ‘yung pag-rely sa mga synthetic na sinulid or materials,” ani Evangeline Flor P. Manalang, hepe ng Technical Services Division ng DOST-PTRI.
Sa pamamagitan ng programang GRIND at sa tulong ng siyensya, teknolohiya, at inobasyon, hindi lamang napapanatili ang mga kultura at tradisyon ng mga katutubong mamamayan, natutulungan ding umunlad ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa Pilipinas. (Ni Stacey Reese Lorin G. Quintos, DOST-STII Intern mula sa Emilio Aguinaldo College)