Mas pinadali, mas pinasimple, at mas interactive na ngayon ang paglibot sa makasaysayang Intramuros sa pamamagitan ng bagong “Intramuros App.”
Inilunsad kamakailan ang application na ito sa isang pormal na kasunduan na ginanap sa Centro de Turismo sa Intramuros, Maynila. Dumalo sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa Department of Science and Technology – National Capital Region (DOST-NCR), Intramuros Administration (IA) ng Department of Tourism, at CIIT College of Arts and Technology.
Ang bagong web-based app na ito ay puwede nang gamitin gamit lamang ang inyong cellphone o gadget.
“Layunin ng app na ito na gawing mas madali at mas kaaya-aya ang karanasan ng mga turista sa Intramuros sa pamamagitan ng pagbibigay ng madaling access sa impormasyon at serbisyo,” ani Atty. Joan M. Padilla ng Intramuros Administration.
“Dito ay makikita mo na ang lahat—mga makasaysayang lugar, walking tours, cultural events, DOT-accredited tour guides, restaurants, local shops, at iba pang karanasang dapat subukan. Kahit nasaan ka man—nasa loob ka man ng Intramuros o nasa malayo—handa kang samahan ng Intramuros App sa iyong paglalakbay sa nakaraan,” dagdag pa ni Padilla. Nagpasalamat din siya sa DOST at CIIT sa tulong nila upang maisakatuparan ang proyektong ito.
Maaaring ma-access ang app sa www.app.intramuros.gov.ph nang hindi na kailangang mag-download. Awtomatikong updated ito at parang regular na aplikasyon na hindi kumakain ng malaking storage ng iyong cellphone.
Ang app ay bunga ng pagtutulungan ng gobyerno at sektor ng edukasyon.
“Ang Intramuros App ay patunay ng pinagsama-samang interes ng gobyerno, paaralan, at publiko na gawing abot-kamay ang kasaysayan, hindi lang sa aktwal na pagbisita kundi pati na rin online,” ani Rizaldy Rapsing, Program Head for Technology ng CIIT.
Samantala, binigyang diin naman ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr., ang kahalagahan ng pagsasama ng kultura at teknolohiya.
“Ang paglulunsad ng Intramuros App ay isang halimbawa kung paano natin magagamit ang agham, teknolohiya, at inobasyon upang bigyang halaga ang nakaraan, tugunan ang kasalukuyan, at hubugin ang kinabukasan,” aniya.
Kasalukuyang naglalaman ang Intramuros App ng mga sumusunod:
- Tungkol sa Intramuros (About Intramuros)
- Mga dapat puntahan (What to See)
- Saan p’wedeng kumain (Where to Eat)
- DIY Tours
- Mga tour guide (Tour guides)
- Impormasyon sa transportasyon (Transportation Info)
- Kalendaryo ng mga kaganapan (Events Calendar)
- Social Feed
- FAQs (Mga madalas na katanungan tungkol sa Intramuros)
Paparating na features:
- Mga serbisyong pang-administratibo tulad ng permit applications at event bookings
- Augmented Reality (AR) para sa mas nakaka-engganyo at immersive na pagtuklas ng kasaysayan
- Halal food finder
- Booking system para sa mas sustainable na turismo
Ibinahagi rin ni Secretary Solidum ang mga plano para gawing mas matalino at mas eco-friendly ang Intramuros.
Kabilang dito ang paggamit ng Bioreactor Composting Technology para sa mas malinis na kapaligiran, ang 18-seater E-Tranvia na gawa sa abaca fiber, suporta sa Halal certification para sa mga kainan, at integration ng AR para sa virtual na pagbabalik-tanaw sa kasaysayan.
Dagdag naman ni Atty. Padilla, nagsimula na rin ang mga pagsasanay at seminar ukol sa food safety at Halal para sa mga pagkain at kainan. Layunin nilang maisama sa app ang mga halal-aligned at halal-certified food options para gawing mas inklusibo ang karanasan ng mga turista.
Ang "halal-aligned" ay tumutukoy sa mga produkto o serbisyong alinsunod sa prinsipyo ng Islam, habang ang "halal-certified" ay may opisyal na sertipikasyon na sumusunod sa mga pamantayang ito.
Sa hinaharap, target din ang modernisasyon ng kasalukuyang tram system sa pamamagitan ng E-Tranvia, isang electric tram na gawa sa abaca composite fiber.
Ang proyektong ito ay suportado ng DOST-Forest Products Research and Development Institute (para sa bamboo materials), UP-Diliman (para sa electrical requirements), Cagayan State University (para sa e-mobility), at DOST-Industrial Technology Development Institute (para sa abaca fiber).
Plano rin ng IA na isama ang promosyon ng Intramuros App sa mga lokal at internasyonal na events nito.
Samantala, binigyang-diin naman ni DOST-NCR Regional Director Romelen Tresvalles na malaking tulong ang app para sa mga do-it-yourself o “DIY" o mga nagsasariling-sikap na turista na nais ng customized na karanasan kahit walang mga gabay sa paglibot sa lugar.
Para kay Secretary Solidum, mahalaga ang teknolohiyang ito para mas mapalapit ang kasaysayan sa mas maraming tao. Kahit hindi sila makapunta sa Intramuros, maaari pa rin nilang maranasan at ma-appreciate ang ganda nito.
Buo ang kumpiyansa ang Intramuros Administration na mas dadami pa ang mga turistang bibisita sa Walled City sa tulong ng app na ito.
“Patuloy tayong bumuo ng kinabukasang pinatatatag ng teknolohiya at inobasyon, ngunit may respeto sa ating kultura at kasaysayan. Nawa’y laging kapiling ng agham ang sambayanan,” pagtatapos ni Secretary Solidum.
Ang proyektong ito ng DOST ay bahagi ng layunin nitong maghatid ng makabago, maka-agham, at inklusibong solusyon sa apat na haligi ng serbisyo: kalusugan ng tao, pagkakakitaan, proteksyon ng kabuhayan, at pagpapanatili ng kapaligiran—na nakapalaoob sa kampanyang OneDOST4U: Solutions, Opportunities for All.
Para sa karagdagang impormasyon at upang simulan ang iyong Intramuros adventure, bisitahin lamang ang: app.intramuros.gov.ph. (Ni Abigael S. Omaña, DOST-STII)