Nagdiwang ng ika-30 taon ng pagkakatatag ang Bicol Science and Technology Centrum o BSTC noong Hunyo 16, 2025, isang araw lamang matapos ang opisyal nitong anibersaryo—tanda ng tatlong dekada ng pagsusulong ng agham at teknolohiya sa rehiyon ng Bikol.
Dinaluhan ang pagdiriwang ng iba’t ibang kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, pambansang kagawaran, at akademya kabilang sina Naga City Vice Mayor Hon. Cecilia Veluz-De Asis, Department of Science and Technology-Bicol (DOST-Bicol) Regional Director Rommel R. Serrano, DOST-Camarines Sur Provincial Director Patrocinio N. Felizmenio, BSTC Executive Director Delfin V. Aguilar, at kinatawang ng Department of Education-Naga City na si Rhea SB Samino.
Ang paglalakbay ng BSTC upang umabot ng 30 taon ay maituturing na istorya ng katatagan at tagumpay.
Nagbukas noong 1995, napilitang magsara ang BSTC noong 2016 dahil sa mga luma at sira-sira nang mga eksibit. Gayunpaman, dahil sa pangako at pagtutulungan ng DOST-Bicol at ng pamahalaang lungsod ng Naga sa tulong ng P6.9-milyon, muling nagbukas ang BSTC noong 2023 nang mas malakas at mas matalino kaysa noon.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Director Serrano ang tagumpay na ito dahilan upang maging buhay at aktibong lugar para sa agham at inobasyon sa rehiyon ng Bikol.
Ngayon, mayroon nang 50 na bago at interactive na mga eksibit sa lima nitong gallery: physics, space exploration, earth sciences, aquatic, at land ecosystems.
Dahil dito, dinarayo at kumikita nang maayos ang BSTC. Mula Marso 2023 hanggang Mayo 2025, nakapagtalo ang BSTC ng higit 35,000 na bisita na may katumbas na higit sa P700,000 na kita, patunay ng matibay na interes at pakikipag-ugnayan ng publiko.
Inaasahang patuloy pang uunlad ang Centrum sa pagbubukas ng “One DOST Virtual Science Centrum,” ang unang birtwal na eksibit ng DOST.
Larawan ni dating Naga City Mayor Jesse M. Robredo kasama ang ilang mag-aaral na bumisita sa Bicol Science and Technology Centrum.
Ang proyektong ito, na ginawang pormal noong 2024, ay nauna nang ilibot sa science centers sa Marinduque, Leyte, at Davao. Ang misyon nito ay i-dokumento ang mga natatanging katangian ng bawat eksibit at gawin itong birtwal. Ang inisyatibong ito ay hindi lamang para gawing accessible ang agham, teknolohiya, at inobasyon ngunit para gawin itong fun at engaging para sa mas malawak na audience.
Sa mga interesadong makita ang BSTC, matatagpuan ito sa BSTC Bldg., Naga City Hall Complex, Juan Q. Miranda Ave., Concepcion Paqueña, Naga City. Ang iba pang impormasyon ay maaaring makita sa https://tinyurl.com/yhk3h6es. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula kina Jay Ray Masayda, DOST-Bicol at Bituin E. Celevante, DOST-Camarines Sur)