MENU

SVIFA.png

Buong pagmamalaking kinilala ng Department of Science and Technology (DOST) ang apat na Pilipinong imbentor na ginawaran ng gintong medalya sa katatapos lamang na 4th Silicon Valley International Invention Festival o SVIIF, na ginanap mula ika-8 hanggang 10 ng Agosto 2025 sa Santa Clara Convention Center sa California sa Estados Unidos.

Ang mga imbentor na ito ay lumikha ng mga praktikal at makabuluhang imbensyon na makatutulong sa paglutas ng mga tunay na suliraning kinakaharap ng ating bansa.

Sa isang seremonya ng pagkilala, pinarangalan ng DOST ang apat na imbentor sa kani-kanilang natatanging ambag sa larangan ng agham, teknolohiya, at inobasyon sa bansa, na nagbukas ng daan tungo sa pandaigdigang pagkilala.

Ang “Unsinkable Porta Boat” ni Ronald Pagsanghan, na dinisenyo para sa mabilisang pagresponde sa mga kalamidad sa urban na lugar, ay gawa sa mga materyales na lubos na lumulutang at matibay na fiberglass flexi-polymer composite.

Ang disenyo nitong may resistensya sa impact ay nagpapahintulot dito na manatiling lumulutang kahit na ito ay masira, at kaya nitong magsakay ng anim hanggang sampung katao, depende sa laki ng katawan ng mga ito.

“Mayroon tayong highly buoyant materials na nilalagay doon [sa bangka]… Kahit tumaob ‘yan, ‘di ‘yan lulubog, i-recover mo lang siya. Automatic na may gravity, made-drain yung tubig at p’wede na ulit sumakay. Sa ikli niya na 13- to 15-footer, nagkakarga po siya ng anim hanggang sampu… Akala mo maliit pero mataas ang kaniyang loading capacity,” ani Pagsanghan.

Binigyang-diin din ni Pagsanghan ang layunin sa likod ng kanyang imbensyon—ang agarang pangangailangan para sa mga rescue boat sa mga liblib at bulnerableng barangay.

Iyon ang purpose natin, kasi malaki ang necessity, especially yung mga target naman talaga natin is yung vulnerable barangays na hindi kaagad nasasapul ng rescue, since wala naman silang kapasidad para bumili. Baka matulungan ng gobyerno na kahit isang barangay na nasa dulong bahagi na hindi agad naaabot [ng rescue], ay malagyan po sila ng ganoong klaseng pang-quick response rescue boat,” aniya.

DDD.png

Ayon kay Pagsanghan, ang Porta Boat ay nagamit na sa ilang partikular na lugar sa mga rehiyon I, II, III, at V ng bansa, na siyang nagpapadali sa pagsagip ng buhay tuwing may bagyo at pagbaha.

Sunod naman ay ang mag-amang sina Dr. Richard Nixon Gomez at Rigel Gomez na lumikha ng “Sambacur Plus”, isang food supplement na gawa sa mga lokal na halamang-gamot tulad ng sambong, banaba, curcumin (mula sa turmeric), at piperine (mula sa piper longum o long pepper). Pinatitibay nito ang paggana ng bato (kidneys) at nakatulong sa libu-libong Pilipino sa pagkontrol ng kanilang creatinine levels, kaya’t nababawasan ang pangangailangang sumailalim sa dialysis dulot ng Chronic Kidney Disease.

Dagdag pa niya, maaaring gamitin ang Sambacur Plus ng sinuman, ngunit kailangang kumonsulta sa doktor kung kinakailangan. Ang Sambacur Plus ay mabibili sa 14 na sangay ng Kaibigan sa Kalusugan clinics sa halagang isang libo o Php1,000 bawat bote na naglalaman ng 30 kapsula.

Pinarangalan din si Jefferson Chong dahil sa kanyang imbensyon na “Sultana Digital Rice Vendo Machine”, isang makinang katulad ng vending machine na nagpapahintulot sa mga mamimili na makabili ng bigas gamit lamang ang barya o pera. Ginagawa nitong mas madali at abot-kaya ang pagbili ng bigas habang binabawasan din ang gastos sa paggiling para sa mga magsasaka, kaya’t nakatutulong sa pagpapababa ng presyo sa merkado.

One of the advantages po ng ating invention, is to lower down the cost of the rice. ’Pag inilapit po natin yung atin pong mga machines sa ating community o farmer, yung presyo po ng bigas ay bababa. Bakit? Dahil ang mga farmer natin ibinibenta yung kanilang mga palay is costly, it’s Php 15.00 or Php 16.00 per kilo. Pero dahil dito sa machines natin, ang milling fee natin is only cost Php 4.00, base sa kompyutasyon doon sa running machines, magiging Php 19.00,” ani Chong.

Dagdag pa niya, ang paggamit ng bagong giling na bigas ay makatutulong sa pagbaba ng sugar intake ng mga Pilipino.

Samantala, nagwagi rin si Engr. Mark Kennedy Bantugon ng unang gantimpala sa 3rd China-ASEAN Innovation and Entrepreneurship Competition para sa kanyang likha na “Pili AdheSeal”—isang eco-friendly na adhesive sealant na gawa sa dagta ng katutubong puno ng Pili.

Ayon kay Engr. Bantugon, maaaring gamitin ang Pili AdheSeal sa iba’t ibang materyales tulad ng metal, papel, salamin, plastik, ceramic, bricks, tiles, at composite materials. Maaari rin itong gawing ligtas na pataba matapos gamitin.

I think most of the problems po with industrial product is its disposal issuebut with us po, we try to convert it into safe fertilizer. Aside from that po, I think one of the noticeable qualities of traditional sealants is very toxic yung amoy po niyan. Pili po kasi is very popular with essential oils, so kapag naamoy niyo po yung Pili Seal, para pong essential oils po yung amoy niya,” dagdag pa niya.

Sa pagtatapos ng seremonya, binigyang-diin ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. na ang mga pinarangalang imbentor, at ang kanilang mga pamilya, ay huwarang halimbawa ng kung paanong ang sipag, dedikasyon, at pagkamalikhain ay maaaring magbigay ng karangalan sa bayan at magsilbing inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mga inobatibo.

“Kayo po ay isa sa mga sandigan ng aming pangako na ‘Sa Bagong Pilipinas, ang Agham ay Ramdam.’ Kaya naman makakaasa kayo na kami ay patuloy na susuporta sa inyo sa pagtuklas at pagbuo ng mga inobasyon para sa ikabubuti ng mga Pilipino,” pagtatapos niya. (Ni Abigael S. Omaña, DOST-STII)