
Ang gawing masaya, interaktibo, at abot-kamay ang agham at teknolohiya—ito ang masidhing layunin ng Department of Science of Science and Technology (DOST) sa paglulunsad nito ng Virtual Science Centrum sa pagbubukas ng 2025 Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) noong Agosto 13, 2025 sa Legazpi City, Albay.
Dinibelop ng DOSTDOST) Region V o DOST-Bicol at pinondohan ng DOST-Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development, ang Virtual Science Centrum ay isang platapormang online na nagbibigay-buhay sa mga eksibit ng agham na tumatalakay sa ibat’ ibang paksa tulad ng physics, biology, space, climate science, at iba pa sa mas masaya at interaktibong pamamaraan.
Pinag-isa nito ang apat na naunang Regional Science and Technology Centers: ang Sentro Mindanaw, Bicol Science and Technology Centrum, MIMAROPA Regional Science Centrum, and Eastern Visayas Science Centrum.
Ang naturang proyekto ay mabubuksan sa mobile at sa website, at naglalaman pa ng 3D virtual galleries, mga laro, at downloable teaching tools para sa mga mag-aaral at guro. Maaari ring magpatala upang mabisita nang pisikal ang mga naturang science centrums sa Leyte, Naga City, Davao, at Marinduque.
iHubs, bukas na sa anim na probinsya sa Bicol
Bilang bahagi pa rin ng pagdiriwang ng 2025 RSTW sa Bicol, tagumpay ring pinasinayaan ang anim na innovation hubs o iHub sa rehiyon.
Ang mga ito ay matatagpuan sa Regional Government Center Site, Legazpi City para sa probinsya ng Albay; Camarines Norte State College sa Daet para sa Camarines Norte; sa Bicol Science and Technology Centrum, Naga City para sa Camarines Sur; sa Catanduanes State University, Virac para sa Catanduanes; sa Southern Bicol Colleges sa Masbate City para sa probinsya ng Masbate; at sa Sorsogon State University sa Sorsogon City para sa probinsya ng Sorsogon.
Ang iHub ay isang espesyal na espasyo kung saan maaaring magsama-sama ang mga mag-aaral, propesyonal, mananaliksik, at mga taong may interes sa startup o mga negosyong gumagamit ng information and communication technologies o ICT upang ilako ang kanilang produkto o serbisyo. Dito ay maaari silang mag-brainstorm, magtulungan, at gawing makabuluhang solusyon ang kanilang mga ideya.
Para kay DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr., ang Bicol ay higit pa sa isang rehiyon, na sadyang malapit sa kanyang puso dahil na rin sa kanyang karanasan bilang isang volcanologist na nag-monitor ng Bulkang Mayon.
“This is why our work in science, technology, and innovation is so important — to harness nature’s gifts while protecting communities from its risks,” ani Sec. Solidum sa kanyang mensahe.
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng agham, teknolohiya, at inobasyon, nagsasagawa ang ahensya ng mga programa, proyekto, at pakikipagtulungan na tumutugon sa totoong mga pangangailangan, nagpapaunlad ng mga pamayanan, at nagbubukas sa mas marami pang oportunidad.
Ang isang linggong pagdiriwang ay nagtanghal ng iba’t ibang tagumpay sa pananaliksik, lokal na mga inobasyon, at solusyong batay sa agham sa pamamagitan ng mga pagtitipon, eksibit, workshop, at iba pang interaktibong aktibidad sa pagkatuto. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula kay Abigael S. Omaña ng DOST-STII)











21 in 2021 Technology Catalogue
DOST Innovations - Web and Mobile Applications for Disaster Risk Reduction and Management