MENU

KIST.png

Isang makasaysayang hakbang ang ginawa ng De La Salle University (DLSU) sa paglulunsad ng Innovation Hub—ang unang Knowledge, Innovation, Science, and Technology (KIST) Park Ecozone na pinamumunuan ng isang mataas na antas ng pribadong paaralan.

Ang KIST Park Ecozone na ito ay matatagpuan sa loob ng DLSU Science and Technology Complex sa Biñan, Laguna at pormal na kinilala sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 985, s. 2025 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa pangunguna ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato U. Solidum Jr., pinagtibay ang KIST Park Ecozone batay sa DOST-PEZA Joint Memorandum Circular No. 2023-001, na layuning pag-ibayuhin ang ugnayan ng akademya, industriya, pamahalaan, at lipunan.

Binigyang-diin ni Solidum na ang KIST Park na ito ay magpapalakas sa presensya ng mga mananaliksik sa pribadong sektor, dahil magkakaroon ang mga kumpanya ng access sa research and development facilities at eksperto ng unibersidad—isang hakbang upang mapaigting ang kolaborasyon sa pagitan ng industriya ng siyensya.

Para naman kay Brother Bernard S. Oca FSC, presidente ng DLSU, ang Innovation Hub na ito ay “Isang tagapagpasigla ng inobasyon na pinangungunahan ng gawaing pang-ekonomiya, na nagbibigay-kapangyarihan sa ating mga siyentipiko, inhinyero, negosyante, guro, at mag-aaral upang magkatuwang na lumikha ng mga solusyon sa pinakamahahalagang hamon ng ating panahon.”

Ang naturang Innovation Hub ay makakasama ng mga pasilidad para sa advanced biotech systems, biomedical technologies, genomics, bioinstrumentation, at translational health sciences. Naglalaman din ito ng startup incubators, R&D laboratories, at innovation spaces para sa kaalaman, komersyalisasyon, at sustainable development.

Ang DLSU KIST Park Ecozone ay pangalawa sa bansa pagkatapos ng matagumpay na paglulunsad nito sa Batangas State University. Ayon kay Solidum, may higit 30 pang aplikasyon ng KIST Park ang kasalukuyang sinusuri, at nanawagan siya sa iba pang institusyon na samantalahin ang pagkakataong ito.

Sa mensahe naman ni Rowena T. Naguit, group manager ng PEZA, binigyang-diin niya na “ang bawat inobasyon ay nagsisimula sa imahinasyon, ang bawat transformation ay nagsisimula sa esukasyon, at ang bawat milestone ay nagsisimula sa pakikipag-ugnayan.”

Ang inisyatibang ito ay bahagi ng layunin ng DOST na maghatid ng science-based, innovative, at inclusive solutions sa apat na haligi ng pag-unlad: human well-being, wealth creation, resilience, at sustainability; alinsunod sa mantra na OneDOST4U: Solutions and Opportunities for All. (Ni Abigael S. Omaña, DOST-STII)