MENU

SEC_SOLIDUM.png

Advanced manufacturing, oportunidad upang ang agham, teknolohiya, at inobasyong Pinoy ay makilala sa pandaigdigang entablado.

Ito ang isinusulong ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato U. Solidum, Jr. sa kanyang talumpati sa katatapos lang na Asian Conference on Advanced Manufacturing o ACAM 2025.

Aniya, ang bawat dakilang yugto ng kasaysayan ng sangkatauhan ay naisulat sa paraan ng paggawa ng lipunan, tulad ng bakal at asero ng panahong industriyal at silicon chips ngayong panahong digital. Sa lahat ng ito, ang pagmamanupaktura o manufacturing ay nasa gitna ng pagbabago.

“Ngayon, ang advanced manufacturing ang ating pagkakataong isulat ang susunod na yugto—isang kabanata kung saan ang agham, teknolohiya, at inobasyong Pilipino ay kinikilala sa buong mundo,” ani Solidum, Jr.

Bilang patunay, ibinida ng kalihim ang ilang halimbawa kung paano napabiblis ng advanced manufacturing ang pag-unlad ng iba’t ibang larangan sa ating bansa.

Aniya noong panahon ng pandemya, pinatunayan ng advanced manufacturing ang tulong nito sa healthcare nang mapunan ng 3D printing ang lokal na kakulangan sa protective equipment at ventilator parts. Nagbukas ito ng posilidad na makagawa sa bansa ng abot-kayang prosthetics, implants, at iba pang kagamitang medikal.

Sa larangan naman ng agrikultura at pangingisda, nakatutulong rin ang advanced manufacturing sa mabilis na pagdisenyo at paggawa ng mga makabagong kagamitan na maaaring subukan sa Advanced Manufacturing Center o AMCen ng DOST, at agad na maipamahagi sa mga komunidad upang mas madaling mapakinabangan sa pagpapalakas ng kanilang kabuhayan.

Ang advanced manufacturing ay makatutulong rin sa lokal na produksyon ng mga high performance parts para sa aerospace, automotive, at mga kagamitan para sa pambansang seguridad at katatagan sa sakuha na tiyak na makatutulong para makalahok ang Pilipinas sa global value chains at mapatibay ang kakayahan ng bansa sa panahon ng krisis.

“Sa pamamagitan ng DOST, nagtatayo tayo ng mga regional AMCen laboratories sa iba’t ibang panig ng bansa—walo na ang naipasinaya. Nilagyan ang mga ito ng kakayahan sa advanced manufacturing upang makagawa agad ng spare parts para sa kritikal na kagamitan, bumuo ng mga bahagi para sa relief operations, at makapagdisenyo ng modular shelters malapit sa mga apektadong lugar,” ani Solidum, Jr.

Ibinida rin niya na ang AMCen ay nagsisilbing tulay sa pagitang ng iba’t ibang disiplina at institusyon upang maging katotohanan ang mga pangarap at sumusuporta sa apat na haligi ng DOST: pinalalakas nito ang kagalingang pantao sa pamamagitan ng mga solusyon sa healthcare at agrikultura; lumilikha ito ng yaman sa pamamagitan ng paghahanda sa ating industriya para sa hinaharap; pinoprotektahan nito ang ating yaman sa pamamagitan ng pagpapatibay ng katatagan sa panahon ng krisis; at pinananatili nito ang kapaligiran sa pamamagitan ng circular approaches sa pagbuo ng materyales.

Patunay ito aniya na naririto na ang advanced manufacturing na binabago ang mga industriya sa buong mundo.

“Ang tanong: tayo ba ang mangunguna o manonood lang tayo habang hinuhubog ito ng iba? Ang sagot natin ay dapat malinaw: tayo ang mangunguna. Tayo ang magpapabilis,” aniya.

Ang Department of Science and Technology (DOST) ang pangunahing ahensya ng pamahalaan na nangunguna sa pagpapaunlad ng siyensiya, teknolohiya, at inobasyon upang mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino, patatagin ang industriya, pangalagaan ang komunidad, at isulong ang pangmatagalang kaunlaran. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII)