
Binigyang-diin ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato U. Solidum, Jr. na susi ang pagpapayabong ng lokal na kaalaman sa agham at teknolohiya o AgTek upang bumuo ng ‘smart at sustainable’ na mga komunidad sa bansa.
Sa pagbubukas ng National Science, Technology, and Innovation Week (NSTW) ngayong taon sa Laoag City, ibinahagi ni Sec. Solidum na kasama sa pagpapalawig ng agham, teknolohiya, at inobasyon sa bansa ang pag-unawa sa sitwasyon ng lipunan upang gumawa ng solusyon sa mga kinakaharap na krisis ng komunidad gamit ang kanilang mga teknolohiya, proseso, kaalaman, at karanasan.
“Our (DOST) approach to [achieve smart and sustainable communities] has always been inclusive, people-centered, and grounded in the everyday realities of Filipinos. [...] Local knowledge drives better solutions,” saad ni Sec. Solidum.
Alinsabay sa hakbangin ng DOST upang itaguyod ang hangaring ito sa ingklusibo, makatao, at nakaugat sa danas na pamamaraan, hinikayat rin ng kalihim ang publiko na maging ‘co-creators’ upang masigurado ang tiyak, praktikal, at angkop na mga kalutasan sa kinakaharap na mga krisis.
Nakapaloob sa ‘smart plans’ ang mga pambansang programa at serbisyong nakaangkla sa apat na estratehikong haligi ng DOST: kagalingan ng tao, paglikha ng yaman/kaunlarang pang-ekonomiya, pangangalaga sa yaman o seguridad, at sustenabilidad.
Pinauunlad nito ang kalagayan ng tao sa pamamagitan ng pagpokus sa pagbibigay-akses sa masusustansya at abot-kayang pagkain, malinis na sistema ng patubig, teknolohiyang pangkalusugan, pagsasanay, at mga iskolarship.
Bukod pa rito, nililinang din at pinoprotektahan nito ang kabuhayan ng publiko kung saan tumutuon sa pagpapanatili ng sustenableng pangangasiwa ng kapaligiran, kaligtasan, ekonomiya, at kalidad ng buhay na magpapatuloy sa susunod pang mga henerasyon.
Sa kasalukuyan, umaayon na rin ang iba’t iba pang mga komunidad, bayan, at probinsya sa buong bansa sa pakikiisa sa pagtataguyod ng matalino at sustenableng komunidad matapos makapagtala ng 116 pilot local government units (LGUs) mula sa orihinal na planong 80 na bilang.
“Layunin namin na tulungan ang mga lokal na pamahalaan na bumuo ng sarili nilang smart at sustainable community roadmaps, at magpatupad ng mga smart solutions sa agrikultura, pamamahala, transportasyon, kalusugan, at iba pang larangan,” dagdag pa ng kalihim.
Kaugnay nito, naniniwala si Sec. Solidum na sa pamamagitan ng agham, teknolohiya, at inobasyon, itinataguyod ng bansa ang ‘matatag, may kaalaman, at handa sa hinaharap na mga Pilipino.’ (Ni Karl Jerome M. del Mundo, DOST-STII)











21 in 2021 Technology Catalogue
DOST Innovations - Web and Mobile Applications for Disaster Risk Reduction and Management