
Matagumpay na idinaos ng Department of Science and Technology-Philippine Nuclear Research Institute o DOST-PNRI ang ika-53 Atomic Energy Week o AEW tampok ang mga masigla at inklusibong aktibidad para sa mga Pilipinong nagnanais matuto nang higit pa tungkol sa mga benepisyo ng Atom.
Isinusulong ng AEW ngayong taon na may temang “I Juan-A Nuclear Philippines” ang mas malaya at madalas na diskurso tungkol sa lumalawak na papel ng agham at teknolohiyang nukleyar sa pambansang kaunlaran.
Sa isang video message, nagpahayag ng kanyang buong suporta si DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr. Sa DOST-PNRI sa pangunguna nito sa AEW ngayong taon. Pinuri niya kung paanong ang agham at teknolohiyang nukleyar ay direktang tumutugma sa apat na haligi ng Kagawaran: pagtataguyod ng kagalingan ng tao (human well-being), paglikha ng yaman (wealth creation), pagpapatatag ng proteksyon sa yaman (wealth protection), at pagsasabuhay ng sustenabilidad (institutionalizing sustainability).
“Para sa mga layuning ito, sinusuportahan ng Kagawaran ang mga pagsisikap ng Pilipinas sa ilalim ng Sustainable Development Goals ng United Nations. Dahil dito, ang nukleyar na pananaliksik, pagpapaunlad, at inobasyon ay may lumalaking papel sa pagtugon sa mga pangunahing isyu tulad ng seguridad sa pagkain, pagbabawas ng panganib sa sakuna, at higit sa lahat, ang polusyon sa plastik,” aniya.
Ibinahagi rin niya ang katatapos lamang na pagpupulong sa pagitan ng DOST-PNRI at mga opisyal ng International Atomic Energy Agency o IAEA kung saan ibinida ang mga makabagong teknolohiya sa radiation bilang isang inobatibo at praktikal na solusyon sa pagprosesong muli ng mga plastik––patunay sa malalaking hakbang ng DOST sa larangan ng agham-nukleyar.
Tampok din sa pagdiriwang ang keynote address ni Pangasinan 2nd District Representative Mark O. Cojuangco, kung saan inihayag niya na ang DOST-PNRI ay nabigyang-laya sa pamamagitan ng pagpasa ng Republic Act Blg. 12305 o ang batas na lumikta sa Philippine Atomic Energy Regulatory Authority o PhilATOM.
“Ngayon, maaari nang mag-concentrate ang PNRI sa iba pa nitong trabaho—ang isulong ang nukleyar sa Pilipinas,” aniya.
Idinagdag pa niya na dapat magsilbing tagapagsulong ng nukleyar ang Institute dahil mahalaga ito sa ekonomiya ng bansa at nakapagliligtas ng buhay sa pamamagitan ng pag-iwas sa polusyon.
Nanawagan din siya sa komunidad ng mga siyentipiko na aktibong labanan ang disimpormasyon base na rin sa matatag na record ng kaligtasan ng nasabing teknolohiya.
Ang AEW ngayong taon ay ginanap noong Disyembre 9 hanggang 12, 2025 sa DOST-PNRI Compound, sa lungsod ng Quezon.
Ang AEW ay nagsisilbing taunang rurok ng mga pagsisikap ng Institute sa pagpapakilala ng agham at teknolohiyang nukleyar sa publiko. Alinsunod sa Presidential Proclamation No. 1211 noong 1973, layunin ng AEW na magbigay ng kamalayan sa mga Pilipino tungkol sa mga kapaki-pakinabang na gamit ng nukleyar. Isa ito sa mga inisyatibo ng DOST na naglalayong maghatid ng mga solusyong base sa siyensya, makabago, at inklusibo sa ilalim ng temang OneDOST4U: Solutions and Opportunities for All.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang opisyal na website ng PNRI sa https://www.pnri.dost.gov.ph/ o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII)











21 in 2021 Technology Catalogue
DOST Innovations - Web and Mobile Applications for Disaster Risk Reduction and Management