Isa sa mga dinebelop na teknolohiya ng Department of Science and Technology - Forest Products Research and Development Institute (FPRDI) ang malapit nang makita sa merkado.
Ito ay matapos lagdaan ang Technology Licensing Agreement o TLA ng FPRDI para mabigyan ng lisensya ang LAMBS Agri-Mechanicals na nasa Laguna para magamit, ma-produce, at/o ma-commercialize ang Bamboo Flattening Machine ng naturang ahensya.
Sa ilalim ng TLA ay binigyan ng DOST-FPRDI, bilang gumawa at may-ari ng flattening machine, ang LAMBS ng hindi eksklusibong karapatan at hindi maaaring ilipat na lisensya upang magamit, ma-produce, at/o ma-commercialize ang naturang makina sa Pilipinas sa loob ng limang taon mula sa araw na masimulan ng kumpanya ang pabrikasyon.
Ang LAMBS naman ay may mga obligasyon sa ilalim ng kasunduan katulad ng pagbabayad sa DOST-FPRDI ng licensing fee na katumbas ng 3% ng technology cost at ng 3% royalty mula naman sa net sales ng naturang makina.
Ang naturang TLA ay produkto ng DOST-FPRDI para sa programang HIRANG o Honing Innovations, Research, Agreements and Negotiations of Government-funded technologies na isang internship program na pinangungunahan ng DOST-Technology Application and Promotion Institute (TAPI). Layunin ng HIRANG na maitaas ang antas ng kakayahan, ugnayan, at kompetensya sa industriya ng mga DOST technology transfer officers.
Kumpara sa mas ma-trabahong tradisyunal na paraan ng paggamit ng adze o bolo, ang naturang Bamboo Flattening Machine ay isang mahusay at mapagkakakitaang paraan ng paggawa ng flattened bamboo. Ang nagawang materyal ay maaaring i-convert sa iba’t ibang engineed bamboo components na maaaring gamitin para makagawa ng mataas na uri ng furniture, handicrafts, at building materials.
Ang naturang makina na may fabrication cost na P1.2 milyon ay maaaring makagawa ng 200 square meters ng flattened bamboo sa isang araw. Dahil dito, inaasahang malaki ang maitutulong nito para maisulong ang paglago ng local engineered bamboo industry sa bansa.
Maaari ring gamitin ang flattened bamboo sa paggawa ng nonwoven bamboo textiles, face masks at filter, at upuan at lamesang maaaring gamitin sa mga paaralan. Ito ay malaking tulong din para mapunan ang requirement ng gobyerno na dapat ay 25% ng mga lamesa at iba pang furniture na ginagamit sa pampublikong elementarya at sekondaryang paaralan ay yari sa kawayan, gayundin sa pagsusulong ng gamit nito sa mga furniture, fixture, at iba pang construction requirements sa mga pampublikong pasilidad.
Upang matugunan ang pangangailangan sa raw materials, iba’t ibang mga taniman ng kawayan ang itinatayo sa buong bansa sa tulong ng suporta mula sa gobyerno at pribadong sektor.
Ayos sa report ng DOST-Philippine Council for Agriculture, Forestry, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) noong 2018, ang bansa ay may 39,200 hanggang 52,700 hektaryang taniman ng kawayan. Ang 58 porsyento nito ay forest lands, limang porsyento ay plantasyong pagmamay-ari ng gobyerno; pitong porsyento ay pribadong plantasyon, at ang 30 porsyento ay nasa pribadong lupain.
Sa tulong ng tamang pamamahala ng mga taniman at inobasyon sa processing, tiyak na malaki ang maitutulong ng bamboo industry sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga magsasaka. Katunayan sa ibang bahagi ng Tsina, ang isang magsasaka na may isang hektaryang taniman ng kawayan ay maaaring kumita ng aabot sa USD30,000 o P1.5-milyon sa isang taon.
Ang DOST-FPRDI ay matatagpuan sa paanan ng Bundok Makiling sa Los Baños, Laguna. Sa pagkaunti ng forest resources ng bansa, ang ahensya ay hindi na nag-aaral tungkol sa mga trosong matatagpuan sa mga bundok bagkus ay naghahanap ng mga bagong paraan upang magamit ang marami pang natitirang native plants, tree plantation species, at ibang natural materials upang matugunan ang pangangailangan ng mga kliyente nito. Ito ay para rin maipakita ang pangako ng ahensya na maprotektahan ang mundo.
Para sa iba pang impormasyon ukol sa DOST-FPRDI, bisitahin ang https://www.google.com/url?q=https://fprdi.dost.gov.ph/&source=gmail&ust=1622505282939000&usg=AFQjCNF2_DlbB2dfKBZrRS4ccv5NLzd03g">https://fprdi.dost.gov.ph/. (Ni Rosemarie C. Senora ,DOST-STII at impormasyon mula kay Rizalina K. Araral, DOST-FPRDI)