Ipinagkaloob ng Department of Science and Technology Regional Office No. IX (DOST-IX) kamakailan ang P723,000 na ayuda sa mga miyembro ng Tinuyop Rural Improvement Club (TRIC) sa Zamboanga del Norte.
Ito ay naibigay sa pamamagitan ng programang Grants-in-Aid (GIA) ng kagawaran na ilalaan para sa pagpapabuti ng kanilang rice mill upang hindi na maghalo ang balat at butil ng mga mais sa tuwing gigiikin at madagdagan ang milling capacity nito mula sa dating 192-208 kilos ay magiging 250 kilos na bawat oras.
Bago nabuo ang proyekto, ay umaasa lamang sa kalapit na giikan ang mga magmamais doon na nakadadagdag pa sa kanilang gastos sa gasolina at paghahakot.
Bukod sa financial assistance ay tumanggap din ng libreng pagsasanay ang mga miyembro ng asosasyon tungkol sa wastong paggamit at pangangalaga ng mga kagamitan mula sa Bongbong Mechanical Shop na supplier ng mga equipment, katuwang ang DOST-IX at Municipal Agricultural Office (MAO).
Ang Barangay Tinuyop ay kinikilala bilang isang assistance-priority community ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) dahil sa pagiging malapit nila sa mga gulo dala ng mga militanteng grupo.
Kaya naman ang pagbisita ng DOST at iba pang mga ahensya sa naturang lugar ay bahagi ng “whole-of-nation” approach na nakapaloob sa Exectuive Order No. 70, series of 2018, para tuluyan nang mawakasan ang mga kaguluhan sa nasabing lugar.
Maliban sa Tinuyop ay tinulungan din ng DOST-IX sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Center (PSTC) ang isang komunidad sa bayan ng Sindangan at nakatakda pa ang pagbisita sa dalawa pang lugar sa probinsya ngayong taon.
Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring makipag-ugnayan sa DOST-IX Provincial Science and Technology Center – Zamboanga del Norte sa mga numerong (065) 212-2244 / 908-0117 / 0998-792-4622.
Maaari ring i-follow ang kanilang Facebook page sa www.facebook.com/DOSTRegion9 para maging updated sa mga pinakabagong kaganapan. (Ni Jerossa Dizon, DOST-STII at impormasyon mula kay Arman E. Aquino, DOST-IX)