MENU

Umaaabot sa 16,000 ang populasyon ng Upper Pulangi District sa lungsod ng Malaybalay sa Bukidnon na kung saan karamihan ay mga Umayamnons at Higaunons ang nakatira rito. Nagsisilbing pangunahing problema sa nasabing lugar ay ang kawalan ng komunikasyon, daan upang maging mabagal ang pag-unlad nito kumpara sa ibang lugar.

Sadyang nililimitahan ang mga cell site tower sa lugar na ito upang mapangalagaan ang seguridad ng lugar kaya naman bihira sa mga residente rito ay mayroong smartphone devices.

Minsan ng binisita ng malalakas na bagyo ang Upper Pulangi na nagresulta sa pagkasira ng mga sakahan, kabahayan, at mga ari-arian. Ang kawalan din ng linya ng komunikasyon ang dahilan kung bakit nahihirapan ang mga rescue team na iligtas ang mga apektadong residente.

Upang tugunan ang mga suliranin sa nasabing lugar, nagtayo ng may taas na 817 na metro na communication system sa Sitio Mahayag ang Provincial Science and Technology Center (PSTC) Bukidnon. Layunin nito na palakasin ang linya ng komunikasyon sa mga piling lokasyon sa Upper Pulangi sa lungsod ng Malaybalay at matugunan ang pangangailangan ng mga lugar na ito sa usapin ng  prevention & mitigation, disaster preparedness, disaster response, at recovery and rehabilitation para sa walong barangay na St. Peter, Zamboanggita, Caburacanan, Busdi, Indalasa, Mapulo, Kulaman, at Silae.

Kasama sa itinayong communication system ay ang 120-ft tower at ang pamimigay ng walong heavy-duty handheld radios para sa mga punong barangay. Magkakaroon din ng pagsasanay sa Basic Radio Operation and Registration sa National Telecommunication Commission.

“Dako kayo among pasalamat sa DOST kay kinahanglan kayo ni (mga radio) para dali maka responde ang CDRRMO kung nay mga disgrasya diri sa Upper Pulangi. Dugay na kaini nga panginahanglanon ug karon nagamit na gyud namo ni. (Lubos kaming nagpapasalamat sa DOST para sa mga radio unit na ipinagkaloob sa amin kung saan makakatulong ito sa mas mabilis na komunikasyon at responde sa panahon ng kalamidad sa aming lugar. Matagal na naming hinihingi ang mga ito at sa wakas ay nandito na siya.),” paglalahad ni Rubencio Organiza, punong barangay ng St. Peter.

Samantala, nagbigay din ang DOST-Bukidnon ng Basic Disaster Risk Reduction Management (DRRM) kits, Basic First Aid & Emergency Response Training, at two-way handheld radios sa Casisang National High School at Managok National High School.

Ang DRMM kits ay naglalaman ng trauma kit, spine board, triangular bandage, rescue helmet, at padded brand splints. (Ni Allan Mauro V. Marfal, DOST-STII at impormasyon mula kay Nova Belle Calotes, DOST-Bukidnon)