MENU

Umaabot sa 251 pamilya o isang libong indibidwal, karamihan ay mga Aeta, ang naninirahan sa Sitio Camachile sa Nabuclod, Floridablanca, Pampanga. Bagamat nakasanayan na nila ang payak na pamumuhay, ang pagkukuhanan ng malinis na tubig ang pangunahing pinapangarap ng mga nakatira rito.

Araw-araw, ang mga lokal na residente, kabilang na ang mga kababaihan at mga bata, ay naglalakad sa mga matatarik na kabundukan para lang mag-igib ng dalawa hanggang tatlong timba ng tubig para sa pang araw-araw nilang pamumuhay.

Kaya naman upang matugunan ang pangangailangan ng mga residenteng Aeta rito, nagtayo ng hydraulic ram pump ang Don Honorio Ventura State University (DHVSU) sa Bacolor, Pampanga at Department of Science and Technology (DOST) Region III, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Floridablanca.

Ang Hydram, ang tawag sa nasabing pump, ay makina na kung saan hinahayaan nito na makakuha ng malinis na tubig ang mga residente mula sa mga sapa at ilog sa kanilang lugar. Maituturing na matipid ito dahil hindi ito gumagamit ng kuryente o anumang uri ng gatong o fuel. Kinakailangan lamang na higit na mababa ang lokasyon ng pagdadalhan ng tubig kaysa sa lokasyon kung saan manggagaling ang tubig o water source.

Nadebelop ito sa pamamagitan ng proyekto ni Engr. Inla Diana Salonga ng Development and Extension Office ng DHVSU na pinondohan naman ng DOST Region III.

Bilang offshoot na proyekto, kasalukuyang nakikipagtulungan ang lokal na pamahalaan ng Floridablanca sa DOST Region III at Provincial Science and Technology Center (PSTC)-Pampanga para pag-aralan ang posibilidad na madirekta ang mga tubig mula sa ilog at sapa papunta sa mga kabahayan ng mga residente.

Samantala, sa isinagawang turnover ceremony, nabanggit ni DOST Region III Director Julius Caesar V. Sicat na kasama sa kanilang plano ang pagbibigay ng gardening tools at vegetable seeds para sa itatayong vegetable gardens sa nasabing komunidad.

“Now that you have a readily available source of water, you should be able to grow vegetables to supplement your diet and also as a source of additional income,” sabi ni Dr. Sicat.

Nangako naman si Lito Apang, ang Indigenous People Kagawad coordinator para sa proyektong ito, na malaking tulong ito sa kanilang komunidad at makaka-asa na iingatan nila ito.

Ang nasabing proyekto ay nasaikatuparan sa pamamagitan ng programang Community Empowerment through Science and Technology (CEST) ng DOST Region III. (Ni Allan Mauro V. Marfal at impormasyon mula sa DOST-III)