MENU

Para paigtingin ang community-based dairy enterprise development, inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) Region II sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Center – Isabela, katuwang ang Local Government Unit (LGU) ng San Agustin, ang San Agustin Dairy Project noong 04 Hunyo 2021.

Ang bayan ng San Agustin ay isa sa mga komunindad na tinutulungan ng DOST sa Rehiyon 2 sa pamamagitan ng programa nitong Community Empowerment through Science and Technology o CEST. Kilala ang naturang bayan sa pagkakaroon ng mataas na marka para sa crossbreeding ng mga kalabaw kaya naman tinatawag rin itong “Crossbred Carabao Capital of the Philippines” ng mga magsasaka nito.

Ang San Agustin Dairy Project ay itinayo upang paunlarin ang iba’t ibang gawaing pang-economic enterprise na may kinalaman sa pagpprodyus ng dairy milk sa Isabela. Pangunahing layunin nito na gawing progresibo ang mga magsasaka na hindi lang sila tumutok sa pagpapalaki ng mga kalabaw kundi mabigyan rin ng pagkakataon na pasukin ang negosyo ng paggagatas.

Sa ilalim ng proyekto ay may inilaang P150,000 para sa pagpapaunlad at pagdebelop ng mga pabalat at disenyo ng mga produkto na pasok sa mandatory standards ng Food and Drug Administration. P340,000 naman ang inilaan para sa transport packaging materials and technology on product upgrading at kaukulang S&T trainings.

Samantala sa kanyang talumpati ay nagpahayag si DOST Secretary Fortunato T. de la Peña ng taos-pusong suporta para proyekto at nawa’y magsilbi itong paalala at inspirasyon sa tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyo para sa bayan.

“May our services be done out of love and reverence for our country and our fellow Filipinos. Our CEST program exists for this and as the years go by, let us continue to push this program forward in order to reach more communities in our country,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin naman ni DOST II Regional Director Sancho A. Mabborang ang ginagampanang papel ng DOST para sa development at enhancement ng market competitiveness ng local dairy produce sa komunidad.

“To solve these problems, we must first understand the communities they are in and what S&T intervention should we give to them. As a government agency, DOST aims to focus more on providing comprehensive technical, livelihood, and scientific assistance to our communities,” ani Dir. Mabborang.

Nagpaabot rin ng pasasalamat si San Agustin Dairy Cooperative (SADACO) Chairperson Engr. Blas V. Lamug Jr. sa DOST II para sa tulong na ibinigay sa kanila at sinigurong ang tulong na ibinigay ay tiyak na magagamit upang tulungan ang mga magsasaka sa kanilang komunidad.

Kasama rin sa naturang pagtitipon sina PSTC Provincial Director Luco Calimag, San Agustin Municipal Mayor Larry Mark Guerrero at kanyang kinatawan na si Dr. Franklin T. Rellin, na retired center director ng Philippine Carabao Center o PCC.

Nagpaabot rin ng pagsuporta sina Isabela Governor Rodolfo T. Albano III at ang kanyang kinatawan na si PCC R02 Director Dr. Rovina Pinera, LPGMA Partylist Office Representative Allan Y. Ty, at 4th District Representative ng Isabela na si Congw. Sheena Tan-Dy. (Ni Rosemarie C. Senora, DOST-STII at impormasyon mula kay Dave Masirag, DOST II)