Sa ilalim ng programang Community Empowerment through Science and Technology (CEST) ng Department of Science and Technology (DOST), nakatanggap ang limang island municipality ng Polillo Group of Islands ng RxBox devices.
Dahil sa mahirap na sitwasyon sa isla, nagsimulang mamahagi ang DOST ng RxBox—isang lokal na imbensyong biomedical device na naglalayong baguhin ang sistema ng healthcare delivery, lalo na sa mga komunidad na kabilang sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o GIDA. May anim na essential medical sensor ang RxBox, ito ay ang mga: 1) Blood Pressure Monitor; 2) Pulse Oximeter; 3) Electrocardiogram; 4) Fetal Heart Monitor; 5) Maternal Tocometer; at 6) Temperature Sensor.
Sa pamamagitan ng mga built-in sensors na ito, madaling makukuha ang medical signals at data at maipapadala ang impormasyon gamit ang Internet. Sa kabuuan, layunin ng RxBox na malampasan ang geographical boundaries sa bansa at mabigyan ang bawat Pilipino ng access sa essential healthcare services.
“Sa pamamagitan nitong RxBox…mas mabilis yung pag-diagnose sa pasyente…Hindi na kailangang lumuwas o gumastos [ng mga pasyente] para lang masigurado na ‘yung kanilang sakit ay may tamang diagnosis,” pahayag ni Dr. Marina Go Ramos, Municipal Health Officer ng Rural Health Unit (RHU) sa Polillo tungkol sa epekto ng mga bagong unit ng RxBox device sa kanilang healthcare delivery at services.
Isa ang RHU ng Polillo sa limang pangunahing health care facility sa isla. Kagaya ng ibang medikal na institusyon, nakakaranas din sila ng ilang suliranin sa pagbibigay-serbisyo, lalo’t nabibilang sila sa mga komunidad na nasa ilalim ng tinatawag na Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).
Ayon kay Dr. Paulo Remudaro, isang Doctor of the Barrio ng RHU-Jomalig, dalawa sa pinakamahihirap na proseso para sa kanila ay ang diagnosis at treatment, na nagreresulta sa mas maraming komplikasyon o minsan ay pagkamatay pa ng pasyente.
“So for some cases dahil hindi namin ma-diagnose, napipilitan kaming papuntahin sila sa Real or Lucena City na minsan hindi na nila ginagawa dahil mahal ang pagpunta sa mainland; [considering ang kanilang magiging] pamasahe at cost of living dahil hindi pwede na isang araw ka lang pupunta doon...and unfortunately, marami kaming patients na nage-expire dito dahil hindi sila nakakakuha ng proper treatment, at hindi kami properly equipped para mag-handle ng ganoong cases,” paliwanag ni Dr. Remudaro.
Kaakibat ng pamamahagi ng RxBox, nagsagawa rin ang DOST ng blended (on-site at online) training para sa medical practitioners mula sa limang island municipality sa Polillo (Burdeos, Polillo, Jomalig, Patnanungan, at Panukulan) kung saan ibinahagi ang tamang paggamit ng device. Nagpasalamat naman si Ethel Nakar, public health nurse ng RHU-Panukulan sa tulong ng DOST.
“Maraming salamat po sa DOST sa [aming naging] training at pagbibigay ng unit...sana po ay maibalik namin yung naibigay ninyong RxBox device sa pamamagitan nang maayos na paggamit nito,” ani ni Nakar.
Sa kabilang banda, binigyang-diin naman ni Dr. Irina Delos Santos, isang Doctor to the Barrio mula sa RHU-Burdeos kung paano makatutulong ang RxBox sa mga lugar na may limitadong kagamitan. “Malaking tulong po ito sa bayan ng Burdeos, lalo na po sa mga pasyente na hindi kayang magpatingin, pumunta sa malayong lugar o karatig bayan para magpatingin ng kanilang karamdaman,” paliwanag ni Dr. Delos Santos.
Sa kasalukuyan, nasa 18 na RxBox units na ang ipinamahagi sa mga RHUs at ospital sa buong rehiyon ng CALABARZON. Ayon kay Dr. Johnenryk Marcelino, isang Doctor to the Barrio ng RHU-Patnanungan, ang RxBox ay isang “game-changing” na imbensyon para sa healthcare industry sa bansa. Kaya naman, inaasahang darami pa ang mga unit na ipamamahagi sa bansa lalo sa panahon ngayon ng pandemya kung saan isa sa mga prayoridad ang healthcare service. (Ni Jasmin Joyce P. Sevilla, DOST-STII at impormasyon mula kina Demee Angelica S. Ludia and Krizzia Mei C. Esperanza, DOST-CALABARZON)