Dahil sa patuloy na aktibidad ng Bulkang Taal ay makakatanggap ang mga apektadong bayan at siyudad ng mga air quality monitor mula sa mga mananaliksik ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Nakatakdang ipamahagi sa komunidad ng Agoncillo sa lalawigan ng Batangas at Tagaytay at bayan ng Alfonso naman sa Cavite ang Robust Optical Aerosol Monitor (ROAM) Air Quality Monitor units mula sa Project ROAM.
Ito ang kauna-unahang Filipino-made air quality monitor na nilikha para sukatin ang particulate matter sa hangin gamit ang mass concentration measurement. Sa pangunguna ni Dr. Len Herald V. Lim, nakagawa ang grupo ng high-quality aerosol monitors na mas abot-kaya kumpara sa mga katapat nito sa komersyo.
Dinisenyo ito ng partikular para makahanap ng mga paraan upang mabawasan ang epekto ng polusyon sa hangin sa mga komunidad at nagawa ito sa pakikipagtulungan ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research ang Development (DOST-PCIEERD).
Unang binuo ang ROAM bilang tagapagbigay ng impormasyon sa paggawa ng mga polisiya at programa para sa pangangalagang pangkalikasan, na ngayon ay nakatutulong na sa mga residente mula sa nabanggit na tatlong Local Government Units (LGUs).
Ayon kay Levi Guillermo L. Geganzo ng Project ROAM, kasalukuyan ngayong pinag-uusapan ang magiging plano sa pamamahagi ng mga units sa tatlong lokal na pamahalaan. Nakikipagugnayan na rin aniya ang mga mananaliksik ng UP-Diliman sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) para matulungan sila sa isasagawang regular monitoring.
Ibinalita rin ni Geganzo na sa ngayon ay pinag-aaralan ng ROAM ang pagkakaroon ng spin-off company sa pamamagitan ng Funding Assistance for Spinoff and Translation of Research Advancing Commercialization (FASTRAC) program ng DOST-PCIEERD para mas mapabilis ang komersiyalisasyon ng kanilang teknolohiya.
Dagdag pa niya, bukod sa mga nagpakita na ng interes ay naghahanap din ngayon ang grupo ng mga karagdagang organisasyon na nagnanais gamitin ang ROAM nang libre sa loob ng isang taon, lalo at isa rin ito sa mga kinakailangan para sa FASTRAC grant.
Pinuri naman ni DOST-PCIEERD Executive Director Dr. Enrico Paringit ang hakbang ng grupo at hinimok niya rin ang iba pang LGU na makipag-ugnayan sa ROAM tungkol sa paglalagay ng air quality monitors sa kani-kanilang mga lugar. (Ni Jerossa Dizon, DOST-STII at impormasyon at larawan mula sa DOST-PCIEERD)