Upang maiangat ang kabuhayan sa rehiyon ng Cagayan Valley na apektado ng kahirapan at armadong pakikibaka, nakipag-partner ang Department of Science and Technology (DOST) Region-II sa Police Regional Office-II (PRO-II) para sa programang Community Empowerment through Science and Technology o CEST.
Ang CEST ay isang programa ng DOST na naglalayong maipakilala ang iba’t ibang inobasyon sa teknolohiya bilang pundasyon ng pag-unlad sa malalayong lugar sa rehiyon.
Ilan sa mga ito ay may kaugnayan ngunit hindi limitado sa kalusugan at nutrisyon, edukasyon, pagbabawas ng panganib sa sakuna, pag-angkop sa pagbabago ng klima, at pangangalaga at pag-iingat sa ating kapaligiran.
Bukod sa mga nabanggit, kabilang rin sa inisyatibo ay ang pagbibigay at paglilipat ng technology-based livelihood projects sa mga kinilalang komunidad lalo na iyong mga kabilang sa tinatawag ng Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o GIDA, at mga grupong hindi masyadong nabibigyan ng pansin tulad ng mga magsasaka, mangingisda, katutubo, at mga kababaihan.
Sa Cagayan, aabot sa P1-milyon ang halaga ng pinondohang proyekto ng DOST-II para sa tatlong natukoy na CEST areas – ang Sitio Lagum at Sta. Felicitas sa Sto. Niño, at Cabuluan sa Alcala.
Pag-abot sa malalayong komunidad sa Cagayan
Ang Sitio Lagum ay matatagpuan sa bulubunduking barangay ng Lipatan, Santo Niño, Cagayan. Maituturing itong isa sa pinakamalayo at nakahiwalay na sitio dahil mararating lamang ito sa pamamagitan ng tatlong oras na paglalakad sa lupa at pagtawid sa tubig.
Nakadagdag pa sa hirap ng pagpunta sa lugar ang mga daan na hindi sementado at hindi madaanan lalo kapag umuulan.
Sa Sitio Lagum, aabot sa 56 kabahayan ang walang access sa kuryente at tubig na maiinom. Kinakailangan pa nilang kumuha ng tubig mula sa bundok at gumamit ng tela upang masala ang tubig para mainom.
Apektado rin ang kabuhayan ng ilan nating mga kababayan dito dahil sa kakulangan ng expertise, kawalan ng kagamitan at imprastraktura, limitadong access sa pamilihan, at panganib dulot ng natural hazards tulad ng pagguho ng lupa at pagbaha.
Ayon sa focal person ng CEST na si Rowena Guzman, mayroon pang makikita sa mga bundok kaysa sa pag-akyat sa tuktok nito, mayroon pang buhay sa kabilang dako ng ilog, at mayroon pang pag-asa kahit sa pinakamalalayo at nakahiwalay na lugar sa rehiyon.
“Dapat nating i-maximize ang effort ng gobyerno upang masuportahan sila,” dagdag niya.
Kaya naman sa pakikipagtulungan ng DOST-II sa Cagayan Police Provincial Office o CPPO, nakapaghandog sila ng water distribution system na kukuha ng tubig mula sa bundok at magdadala sa mga kabahayan gamit ang mga linya ng tubig upang mabawasan ang kanilang mga pasanin. Bibigyan din sila ng mga solar panel na may kumpletong set ng baterya at inverter para naman sa kuryente sa nabanggit na komunidad.
Marami rin sa mga residente na hindi kayang mapag-aral ang kanilang mga anak ay napipilitang sumali sa mga grupo ng gerilya na nagreresulta sa labis na kahirapan at hidwaan sa lugar. Dahil dito, plano ng DOST na magsagawa ng S&T training para makatulong na maiwasan ito.
Ihahatid rin ng DOST-II ang Science and Technology Research-based Openly-Operated Kiosks o STARBOOKS. Maaari nila iyong ma-access kahit na walang koneksyon sa internet.
Makatutulong ang STARBOOKS upang makapagbigay ng maaasahan at libreng science and technology (S&T) information sa publiko. Naglalaman ito ng mga libro, journal, pananaliksik, at iba pa kabilang ang livelihood videos na makatutulong sa mga bata, guro, at sa buong komunidad na ma-debelop at mapaunlad ang kanilang kaalaman ukol sa agham at teknolohiya.
Ang isa pang lugar na binisita sa ilalim ng CEST ay ang barangay ng Sta. Felicitas sa Sto. Niño, Cagayan.
Ang problema naman ng komunidad na nabanggit ay kawalan ng access sa malinis at maiinom na tubig, dahil ang kanilang pinagkukunan ng tubig ay deep well o balon.
Sa mga buwan ng Abril hanggang Hunyo, nawawalan sila ng suplay ng tubig nang walang pasabi dahil sa pagkatuyo ng mga balon. Hindi rin ito ligtas na inumin dahil sa putik at mga mikrobyong nakasangkap sa tubig.
Ayon kay Ronnie Nacional na isang barangay kagawad sa Sta. Felicitas, hindi ligtas ang inumin na nakukuha nila dito tuwing may bagyo. Mahirap din aniya para sa kanila na maglakbay at bumili ng inuming tubig dahil ang kanilang barangay ay nasa gitna ng isang ilog.
Hindi na rin aniya nila hihintayin pang magkasakit ang kanilang anak dahil tubig na nakukuha nila sa balon.
Bilang tugon sa problema, nagsagawa ang DOST-II ng site assessment and community project inception meeting noong ika-7 ng Hulyo, 2021 para sa implementasyon ng proyektong Potable Water System sa ilalim ng programa ng CEST. Tinatayang aabot sa 130 pamilya ang matutulungan ng nasabing proyekto.
Sisiguruhin din ng DOST-II ang pagpapatuloy ng proyekto sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na pagsasanay upang mapanatiling maayos ang mga kagamitan at pasilidad, na bahagi pa rin ng technology intervention ng ahensya.
Bibigyan rin ng pagsasanay ang mga guro sa barangay para sa paggamit ng STARBOOKS upang matulungang mapaunlad ang kanilang kaalaman sa agham at teknolohiya at mabigyan sila ng karagdagang materyal na magagamit sa kanilang pagtuturo.
Binisita rin ng DOST-II ang barangay ng Cabuluan sa munisipalidad ng Alcala.
Sa tulong ng CPPO, nakapagbigay ng pagsasanay ang DOST-II at nakapagpakita ng demonstrasyon sa paggawa ng dishwashing liquid, powder detergent, at hand sanitizer, bilang bahagi pa rin ng programa ng CEST sa Cagayan. Makikitang makatutulong ito sa kanila sa pagsugpo ng pagkalat ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Nagbigay din ang DOST-II ng pondo para sa implementasyon at pagtatayo ng proyektong pangkabuhayan na makapagbibigay ng dagdag na kita sa kanilang komunidad.
Tutuon ang proyekto sa produksyon ng hayop tulad ng baka at manok upang makatulong sa mga magsasakang apektado na pagkawala ng trabaho dahil sa pandemya at yaong mga naapektuhan ang manukan dahil sa avian influenza bird flu.
Tutulong din ang DOST-II sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na pagsasanay sa agham at teknolohiya upang masiguro ang pagpapatuloy ng proyekto at interbensyon kahit na sa pinakamainit o pinakamalamig na panahon sa lugar.
Sa tulong ng programa ng CEST, tuloy-tuloy na maghahatid ng tulong ang DOST-II upang makabuo ng pinalakas, progresibo, at pinatatag na mga komunidad sa Cagayan Valley lalo na sa mga lugar na apektado ng gulong dulot na armadong pakikibaka ng mga Komunista sa bansa. (Ni Rosemarie C. Señora at impormasyon mula kay Dave Masirag, DOST-II)
Livelihood training para sa komunidad ng Cabuluan, Alcala
Malaking tulong para sa komunidad ng Sitio Lagum ang water distribution system na handog ng DOST-II sa pakikipagtulungan sa Cagayan Police Provincial Office