MENU

Nagpamahagi kamakailan ang DOST-Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI) ng mga bamboo-abaca hands-free disinfectant dispensers and foot baths sa ilang mga establisyimento at tanggapan ng pamahalaan sa Los Baños, Laguna.

Ang dispenser na gawa sa kawayan ay naglalabas ng alcohol kapag tinapakan ang naka-konektang foot bath habang ang abaka naman ang nagsisilbing sponge o punasan na nagdi-disimpekta sa sapatos ng nakatapak rito. Binuo ng ahensya ang nasabing aparato noong 2020 bilang tugon sa COVID-19 outbreak.

Sampung prototypes ang ipinagkaloob sa University of the Philippines Los Baños (UPLB); DOST – Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD); DOST-CALABARZON; Los Baños Municipal Office; Los Baños Doctors Hospital; Los Baños Municipal Health Office; vaccination hub sa Barangay Batong Malake; Centro Mall, Diocesan Shrine of St. Therese of the Child Jesus; at sa Batong Malake Barangay Hall.

Bago ibinigay ang mga prototype ay nilagyan na rin ito ng alcohol upang masuri at makita ang kakayanang magamit ang kaayusan nito.

Ayon kay Project Leader Florena B. Samiano, sinusuportahan ng DOST-FPRDI ang sustenableng paggamit ng lokal na yamang gubat upang makatulong sa publiko kontra COVID-19 infection.

Paliwanag ni Samiano, ang paggamit ng mga produktong natural tulad ng kawayan at abaka ay magreresulta ng maganda dahil dalawa ito sa pinakamura at pinakamaraming mapagkukuhanan ng suplay sa bansa. Hindi rin aniya makasisira sa kalikasan dahil biodegradable ang mga ito. 

Ginawa ang distribusyon noong ika-6 ng Hulyo 2021 bilang bahagi ng ika-64 na anibersaryo ng naturang institusyon.  (Ni Jerossa Dizon, DOST-STII at impormasyon mula kay Apple Jean C. Martin- de Leon, DOST-FPRDI).

 

Ilan sa mga unit ng hands-free dispenser ang ibinigay sa Brgy. Batong Malake, Los Baños, Laguna.

Bukod sa dispenser, ilang DOST-FPRDI face shield din na gawa sa  lapnis  ang ibinigay sa Los Baños frontliners, tulad ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay of Batong Malake (Larawan mula sa Facebook page ng Brgy. Batong Malake)