Simula noong Hulyo 2021, bukas na sa publiko ang pasilidad para sa produksyon ng Rice Mongo Curls Production sa Brgy. Caganhao, Boac, Marinduque. Matapos ang dalawang linggong trial production, ang mga miyembro-empleyado ng Social Action Commission (SAC) ay handa nang mag-prodyus ng rice mongo curls o “RINGGO”.
Ang “RINGGO” ay isang masustansyang pagkain na dinebelop ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI). Ito ay gawa sa pinaghalong rice flour at mongo flour at naglalaman ng ng mataas na content ng protina at enerhiya. Dahil dito, isa itong masustansyang meryenda para sa bata o sa matanda.
Nai-adopt ng SAC ang teknolohiya ng Rice Mongo Curls mula sa Technology Licensing Agreement (TLA), sa tulong ng DOST-FNRI at ng DOST-MIMAROPA.
Nagbigay din ng technology intervention ang DOST-MIMAROPA sa SAC, kagaya ng kumpletong processing equipment para sa production facility. Ilan sa mga equipment ay ang heavy-duty flour mill, cereal pop machine, heavy-duty food grinder, mechanical dryer, handheld grain moisture meter tester, octagonal mixer, table, weighing scales, at sealers. Bukod pa rito, tinutulungan din ng DOST-MIMAROPA ang SAC sa pag-debelop ng packaging at labelling ng “RINGGO”.
Nagpakita rin ng suporta ang Diocese ng Boac na si Bishop Marcelino Antonio Maralit para sa pagbubukas ng pasilidad kung saan pinangunahan niya ang pangangalap ng pondo para sa paggawa ng processing facility building. Samantala, nag-abot ng tulong ang Provincial Government ng Marinduque sa pamamagitan ng pagbibigay ng transformer upang punan ang pangangailangan ng mas maasahang power supply at masiguro ang tuluy-tuloy na produksyon sa pasilidad.
“Sa ngalan po Diyosesis ng Boac sa pangunguna ng aming Obispo, Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. DD, at ng Social Action Commission, sa pangunguna ng inyong lingkod, Rev. Fr. Eulogio L. Mangui, nais po naming ipaabot ang aming pasasalamat sa DOST MIMAROPA sa pagbibigay sa amin ng pagkakataong maging beneficiary ng proyektong ito. Ito po ay isang napakalaking tulong para sa aming mga manggagawa lalo't higit ngayong panahon ng pandemya kung saan maraming mga manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay. Malaking tulong din po ito para sa aming mga kabataan at mga mamamayan sapagkat nagkaroon sila ng pagkakataong makabili ng mura at masustansyang pagkain na gawa mismo dito sa aming lalawigan. Lalot higit malaking tulong din ito upang maisulong ng Social Action Commission ang mga programa ng Diyosesis para sa pagbubuo at paghuhubog ng komunidad ayon sa pananaw ng Diyosesis na ‘Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan!’ Patuloy po kaming magsisikap upang ang proyektong ito ay higit pa naming mapaunlad. Maraming salamat po,” pahayag ni Eulogio L. Manangui ng SAC.
Plano nang gamitin ng DepEd, DSWD, at ng local government units sa probinsya ang “RINGGO” para sa mga feeding program sa mga bata. Inaasahang makatutulong ang produktong ito upang magkaroon ng positibong pagbabago sa estado ng nutrisyon ng kabataan, lalo na sa mga batang nabibilang sa mga pamilyang hirap makakain ng masustansya.
Virtual Training para sa Rice Mongo Curls Production
Bago pa man buksan ang pasilidad, nagkaroon na ng virtual training sa Rice Mongo Curls Production ang DOST-MIMAROPA sa tulong ng DOST-FNRI noong ika-23 hanggang 25 ng Hunyo 2021.
Dinaluhan ang training ng tatlong representative at limang empleyado mula sa SAC, kasama ang limang Barangay Nutrition Scholars mula sa Munisipalidad ng Boac, at apat na representative mula sa Provincial Science and Technology-Center (PSTC) sa Marinduque. Pinangunahan naman ng mga eksperto mula sa DOST-FNRI ang training kung saan ibinahagi nila ang iba’t ibang materyales, nararapat na equipment, procedure, formula, at human resource requirement sa pag-prodyus ng Rice Mongo Curls.
Pinag-usapan din sa training ang 5S, Good Manufacturing Practices, at Food Safety upang masiguro na ang mga produkto ay malinis at ligtas kainin.
Sinumulan ding ibahagi ng DOST-FNRI ang kanilang teknolohiya sa Rice Mongo Food Blend, isang ready-to-eat na komplimentaryong pagkain na maaaring makain sa pagdagdag lamang ng mainit na tubig. (Ni Jasmin Joyce P. Sevilla, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-MIMAROPA)
Rice Mongo Curls Facility sa Boac, Marinduque
“RINGGO” o Rice Mongo Curls
Nagsagawa ng hands-on training ang DOST-FNRI para sa mga kalahok sa training.