MENU

Isang grupo ng mga mag-aaral mula sa University of Mindanao (UM) – Davao City Campus ang natatanging kinatawan ng Pilipinas para sa Hult Prize 2021 na gaganapin mula ika-8 ng Agosto hanggang ika-12 ng Setyembre 2021 sa Ashridge Castle, London, United Kingdom.

Ang Alipugpug Tech Solutions ay isang technology-based startup na naglalayong makapagbigay ng solusyon sa serbisyong may kinalaman sa agrikultura. Binubuo ito ng pitong mag-aaral mula sa UM na sina Elpedio Corbeta Jr., John Kaiser Taylaran, Daniel Navarro, Jeremiah Malalis, Kim Aliya Tomaro, Steph Kier Ponteras, at Dale Viñalon. Nag-aalok ang grupo ng healthy market ecosystem gamit ang digital platforms and solutions na makatutulong para sa mga maliliit na magsasaka na makakuha ng competitive advantage sa merkado.

Nakapasok ang grupo sa nabanggit na internation competition gamit ang kanilang entry na Malakas Vertical Farming System (VFS), isang awtomatikong vertical at horizontal farming system na gawa sa kawayan na may kakayahang magtanim ng punla, magpatubo, at makapag-ani ng mga pananim. Nakadebelop rin sila ng Maganda Capsule, isang water-soluble formula na gawa sa waste materials tulad ng balat ng saging, balat ng itlog, balat ng rambutan, at guyabano na makatutulong sa paglago ng halaman at paglaban sa mga sakit.

Nakagawa rin ang grupo ng Dumangan e-commerce website, isang digital na pamilihan na makatutulong sa mga miyembro ng agricultural value chain na ma-monitor ang transaction input ng mga kompanya, magsasaka, at iba pang intermediaries.

Nag-ooperate ang Alipugpug Tech Solutions sa ilalim ng UMasenso HUB, na university-based Technology Business Incubator o TBI na pinondohan ng Department of Science and Technology o DOST sa ilalim ng Higher Education Institution Readiness for Innovation and Technopreneurship (HeIRIT) Program. Sinusuportahan nito ang mga naghahangad maging technopreneurs sa pamamagitan ng pagsasanay, pagtuturo o mentorship, at mga program ukol sa inobasyon.

“UMasenso HUB congratulates the founders of Alipugpug Tech Solutions for making it this far with their startup and qualifying for the Hult Prize 2021. We witnessed their startup journey and believed in their talents, skills, and purpose in helping the agriculture community,” ani UMasenso HUB Manage Efrhain Louis Pajota.

Dagdag pa niya, hinihikayat din nila ang iba pang mga naghahangad na innovators na simulan at makilahok na sa startup building sa tulong ng DOST-assisted TBIs upang makagawa ng positibong epekto sa kani-kanyang komunidad.

 Sa ngayon, naghahanda ang grupo para sa kanilang pagpunta sa London para sa gaganaping isang buwan na in-person mentoring kasama ang mga global startup expert upang makipagkumpentensya sa 60 Global Accelerators mula sa iba’t ibang bansa para sa premyong $1-M seed capital grant.

Ang Hult Prize ay isang taunang global competition para sa mag-aaral sa kolehiyo na may mga makabagong solusyon at mabubuhay na ideyang pang-negosyo sa pagtugon sa iba’t ibang isyung panlipunan tulad ng seguridad sa pagkain, access sa tubig, enerhiya, at edukasyon. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula kay DOST XI S&T Promotion)