Tuloy-tuloy ang pagtulong ng Department of Science and Technology (DOST)-Region I, katuwang ang Provincial Science and Technology Center (PSTC)-Ilocos Norte sa pagpapayabong sa industriya ng paggawa ng mga muwebles at pagpapaunlad sa kaalaman ng mga lokal na negosyante ng nasabing lalawigan sa pamamagitan ng kanilang Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP) upang makasabay sa pandaigdigang pakikipagkalakan.
Matagumpay na napakikinabangan ngayon ni James Arcebal, may-ari ng JVA Furniture sa Bitac City ang ikalawang yugto ng SETUP para sa kanyang negosyo na nagsimula noong taong 2002.
Kwento ni Arcebal, nagsimula siya bilang isang payak na manggagawa ng mga dekalidad na muwebles gaya ng aparador, higaan o papag, at mga dining set hanggang sa unti-unti itong lumago at dumami na rin ang kanyang mga parokyano.
Umabot sa halagang Php 496,428.33 ang naipagkaloob na cash assistance sa JVA Furniture kung saan ay naibili nila ito ng mga equipment kabilang ang hydraulic-type chisel mortiser, post drill, air compressor, adjustable miter saw, at jointer na gagamitin para sa kanilang produksyon.
Nagbigay din ng libreng training at assistance tulad ng wood finishing techniques at cleaner production technology ang PSTC-Ilocos Norte sa naturang benepisyaryo.
Nagpasalamat naman si Arcebal sa ipinagkaloob ng DOST-I dahil malaki aniyang tulong ito para sa kanyang negosyo.
Kwento pa ni Arcebal, sa kasalukuyan ay may sampung branch na ang JVA Furniture sa kanilang probinsya at nakikilala na rin ang kanilang produkto at gawa sa labas ng lalawigan.
Siniguro naman ni PSTC-Ilocos Norte Director Benjamin S. Mercado Jr., na magpapatuloy ang SETUP sa pagtulong sa mga micro, small and medium Enterprises (MSME) na mula sa furniture sector sa kabila ng kinakaharap ngayong pandemya. (Ni Jerossa Dizon, DOST-STIIat impormasyon mula kay Kent J. Ramil, PSTC-Ilocos Norte)