Isang samahan ng mga kababaihan sa Brgy. Taliba, San Luis, Batangas, ang nakatanggap ng pancit canton with squash technology mula sa Department of Science and Technology – Food and Nutrition Institute (FNRI) sa pamamagitan ng isang technology transfer training na isinagawa noong ika-18 ng Agosto 2021.
Labing-isang taon mula nang maitatag, kilala na ang PHP Noodle Haus bilang isang lokal na prodyuser ng pancit canton at shing-a-ling, at patuloy na nagpapaunlad ng kanilang mga produkto sa pamamagitan ng in-house product development.
Kaya naman noong 2020, nabiyayaan sila ng pangalawang DOST Community-based project na pinamagatang, “Technology Upgrade and Process Improvement of PHP Noodle Haus in Brgy. Taliba, San Luis, Batangas”, na binubuo ng pagtanggap nila ng pancit canton with squash technology mula sa DOST-FNRI, na may layong mapaunlad pa ang kanilang kasalukuyang pormulasyon at proseso, kabilang na ang pagbibigay ng kaukulang kagamitan upang matugunan ang iba’t ibang problema sa kanilang produksyon.
Upang pormal na mailipat sa kanila ang teknolohiya, isang technology licensing agreement ang nilagdaan sa pagitan ng DOST-FNRI at PHP Noodle Haus, kasama ang DOST-CALABARZON PSTC-Batangas bilang saksi. Bukod sa kasunduan na kailangan bago ang aktwal na technology transfer, kabilang din ang pagpapasa ng Good Manufacturing Practices (GMP) Gap Analysis, Technology Needs Assessment (TNA), mga permit, at mga kaukulang sertipikasyon sa mga kinailangang ipasa bago ang naturang technology transfer.
Pinangunahan ni Jaypy S. De Juan, senior science research specialist mula sa Business Development Unit sa ilalim ng Technology Transfer and Commercialization Section ng DOST-FNRI ang technology transfer training na isinagawa nang birtwal, habang kasama naman ng asosasyon ang mga kawaning sina Mhark Ellgine A. Libao (SRS II) at John Maico Hernandez (SRS I) mula sa PSTC Batangas upang alalayan sila sa pag-aaral nila kung paano ang step-by-step procedure ng paggawa ng pancit canton na may kalabasa gamit ang teknolohiya mula sa DOST-FNRI.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si PSTC Batangas Provincial Director Felina C. Malabanan sa ibinigay ng suporta ng DOST-FNRI sa pagpapalakas ng kakayahan ng PHP Noodle Haus. Pinuri rin niya ang dedikasyon ng naturang asosasyon ng mga kababaihan upang mapalago ang kanilang negosyo at humiling na magamit ang naturang teknolohiya sa ikauunlad pa ng naturang negosyo.
Bilang tugon, nagpasalamat naman si Aurrea B. Addun, presidente ng PHP Noodle Haus sa DOST-FNRI at DOST Batangas sa kanilang natanggap na tulong.
“Maraming maraming salamat po sa FNRI at DOST Batangas sa ipinagkaloob n’yo po sa aming bagong kaalaman. Malaking tulong po ito sa aming negosyo dahil mas gumanda po ang kalidad ng aming produkto,” ani Addun.
Ayon sa DOST-FNRI, ang iba’t ibang noodle products ay tanggap ng lahat ng antas ng konsyumer. Katunayan, hindi lamang kinakain ito bilang meryenda kundi pati na rin bilang almusal, tanghalian, at hapunan. Ayon sa kanilang pananaliksik, pito (7) sa 100 kabahayan ang kumakain ng canton noodles araw-araw habang 36 sa 100 kabahayan naman ang kumakain nito linggo-linggo.
Ang pagpapalit rin ng sangkap na gulay katulad ng kalabasa sa halip na wheat flour sa noodle ay nakatutulong sa problema sa kakulangan sa bitamina A, na nakakaapekto sa 1.7-milyong mga bata na may gulang na mas mababas sa lima, at 500,000 buntis at nagpapasusong ina.
Ang Pancit Canton with Squash ay isang masustansyang noodle na inihahanda sa pamamagitan ng paghahalo ng wheat flour, squash puree, asin, itlog, at noodle improver. Ang isang serving na may timbang na 50 gramo ay kayang makapagbigay ng 16%, 20%, at 24% ng Recommended Dietary Allowances o RDA para sa enerhiya, protina, at bitamina A para sa apat, lima, at anim na taong gulang na mga bata. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-CALABARZON)