Upang mapanatili at maisalba ang mga lengguwahe sa Pilipinas na maituturing nang nanganganib, isang community-built online web dictionary platform ang pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST) at kasalukuyang mino-monitor ng DOST-Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development (DOST-PCIEERD).
Ito ay ang Project Marayum na pinagtulong-tulungang buuin ng isang grupo ng computer scientists at linguists sa pangunguna niMario Carreon, assistant professor sa Department of Computer Science ng University of the Philippines – Diliman. Layunin ng proyekto na makabuo ng isang online language dictionary na maaaring baguhin ng mga rehistradong miyembro ng isang komunidad na gumagamit ng isang lengguwahe.
Sa inisyal na pag-debelop ng diksyunaryo, ang unang diksyunaryo na nai-upload ay ang Asi-English language dictionary. Ang mga rebisyon ay maaari lamang magawa ng rehistradong Asi language speakers habang ang mga tala ay sinuri ng isang grupo na eksperto sa naturang lengguwahe.
Ang Project Marayum ay nabuo sa pagtutulungan ng iba’t ibang komunidad. Bilang isang online dictionary platform ng mga lengguwahe sa Pilipinas, layunin nito na mapalakas ang abilidad ng mga gumagamit isang lengguwahe na makabuo at makapagpatakbo ng isang online dictionary na kanyang lengguwahe nang hindi na nangangailangan ng teknikal na kaalaman na may kaugnayan sa pagdidisenyo, pagpapatakbo, at maintenance ng isang website.
Nagpahayag naman ng suporta si DOST-PCIEERD Executive Director Dr. Enrico Paringit sa proyekto na nagbigay aniya ng daan na magkaroon ng marami pang pag-uusap sa pamamagitan ng malikhaing solusyon. Mahalaga rin aniya ang naturang proyekto sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
“Ang pambansang wika ay makahulugan katulad ng Kalayaan ng ating bayan, na nagbibigay ng natatanging pagkakakilanlan bilang isang malayang bansa. Ngayong Buwan ng Wika, halina’t ipagdiwang din natin ang iba pang lokal na lengguwahe sa bansa sa pamamagitan ng proyektong ito,” ani Paringit.
Ang Marayum website ay maaaring bisitahin sa www.marayum.ph na kasalukuyang may apat na diksyunaryo: Asi-English, Cebuano-English, Hiligaynon-English, at Kinaray-a-English.
Ang iba pang diksyunaryo na kasalukuyang inilalagay sa Marayum ay ang Bikol-Buhi’non, Bikol-Central, Bikol-Rinconada, Masbatenyo, Kapampangan, Chavacano, Gaddang, Inakyeanon, Waray, at Ilocano na may kanya-kanyang salin sa Ingles. Lahat ng naturang mga diksyunaryo ay pinamamahalaan ng kani-kanilang komunidad at itinatalagang lingguwista. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-PCIEERD)