MENU

“Malaking oportunidad ito sa mga kababaihang Bangsamoro na makapagbukas ng bagong pinto ng pag-asa.”

Ito ang sinabi ng Tagapangulo ng MUBWA hinggil sa pinagkaloob na tulong ng Department of Science and Technology (DOST)-XII at sa patuloy na pakikibaka ng kanilang samahan sa kabila ng pandemya.

Ang MUBWA o Mlang United Bangsamoro Women Association ay samahang binubuo ng 233 na mga kababaihang Muslim sa iba’t-ibang barangay sa bayan ng Mlang, North Cotabato. Maliban sa muslim native delicacies, paggawa ng ‘garments and handicrafts’ ang pangunahing pinagkakakitaan ng asosasyon.

Kabilang sa mga ibibigay ng ahensya sa ilalim ng Community Empowerment through Science and Technology (CEST) Program nito ay ang PhP 650,00 na halaga para sa mga kaukulang kagamitan sa pagpataas sa antas ng kalidad ng mga pangunahing produkto ng MUBWA.

Ayon kay DOST-XII Regional Director Sammy Malawan, bibigyan din ang mga benepisyaryo ng kaukulang techno-trainings on product development, bleaching and dying, zero-waste management, at marami pang iba.

Ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DOST-XII at MUBWA ay nilagdaan noong ika-20 ng Agosto sa Brgy. Dunguan, Mlang.

Ilan sa mga naging saksi sa pormal na kasunduan ay sina Mayor Russel Abonado ng Mlang, Provincial Administrator Efren Piñol, Vice-Mayor Joselito Piñol at Punong Barangay Patutin Sagadon, Jr. (Impormasyon at mga larawan mula sa DOST-XII Cotabato Provincial Office Facebook Page)

 

Kasama si DOST-XII Regional Director Sammy Malawan (gitna) sa paglagda ng pormal na kasunduan sa pagitan ng DOST-XII at ng MUBWA noong ika-20 ng Agosto 2021.