MENU

  

“We are solving the perennial problem of farmers using pavements and outer lanes of national highways as drying areas for their harvested crops,” ito ang naging pahayag ni DOST-PSTC Ilocos Norte Provincial Director Engr. Benjamin S. Mercado Jr., nang pangunahan niya ang pamamahagi ng Portasol multi-purpose thermal drying trays sa probinsya.

Umabot sa tatlumpu’t anim na unit ang naipamigay sa mga bayan ng Pagudpud, Currimao, Dingras, Burgos, at Batac kabilang na rin ang Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte kung saan higit sa isang daang magsasaka at mangingisda ang nakinabang.

Noong nakaraang buwan ay nakatanggap din ang bayan ng Carasi ng apat (4) na unit bilang bahagi           ng expanded implementation ng Community Empowerment through Science and Technology (CEST) program ng ahensya.

Kwento ni PD Mercado, marami sa mga magsasaka at mangingisda ang nahihirapan sa pagpapatuyo ng kanilang mga produkto, at mas lumala pa ngayon dahil hindi nila kaya ang mga mamahaling drying facilities kung kaya’t karamihan sa kanila ay napipilitang magpatuyo sa mga kalsada at simento na maliban sa ipinagbabawal ay nagreresulta rin sa pagkalugi.

Kaya naman sa kabila ng suliraning kinakaharap ngayon ng bansa dahil sa COVID-19, patuloy pa ring naghahatid ng tulong at serbisyo ang DOST sa pamamagitan ng CEST program, na nagbibigay ng sinag ng pag-asa sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng pandemya.

Ang Portasol drying trays na may kapasidad na 12.5 kg o ¼ kaban bawat isa ay gawa sa aluminum, isang good heat conductor na siyang nagpapabilis sa pagpapatuyo ng palay ng tatlong beses kaysa sa pagbibilad sa simento.

Malaking ginhawa aniya ito para sa mga magsasaka dahil maaari itong ilatag kahit saang open field at nababawasan din ang mga naaaksayang butil.

Kung maliit naman ang espasyo, ay pwede ring pagpatungin hanggang sampung layer ang mga tray at parehas pa din ang ibibigay na resulta nito sa pagtutuyo.

Maliban sa palay ay magagamit din ang Portasol sa pagpapatuyo ng ibang produkto gaya ng gulay, prutas, at isda. (Ni Jerossa Dizon ng DOST-STII at impormasyon mula kay Kent J. Ramil, Project Assistant II ng DOST PSTC-IN)