MENU

Tinaguriang Best SETUP Adoptor ng DOST-CALABARZON ngayong taon sina Henry Raca, dating janitor at sales agent noon, katuwang ang kaniyang asawa na si Apple Raca, na may-ari ng C&H Cosmetic Industry.

Ang Best SETUP (Small Enterprise Technology Upgrading Program) Adoptor Award ay ibinibigay sa kompanya o enterprise na nagpakita ng mataas na operational performance bilang resulta ng technology adoption at utilization ng mga technological innovation at assistance mula sa Department of Science and Technology (DOST).

Ibinahagi ni Henry Raca na dati siyang nagtrabaho bilang janitor sa umaga habang nag-aaral siya sa gabi, hanggang sa kalaunan ay nakakuha siya ng trabaho bilang sales agent. Samantala, maayos naman ang naging buhay ni Apple Raca. Ngunit nang bumagsak ang ng kanilang negosyo, napilitan si Apple na magsumikap para sa kaniyang pamilya. Dito nagtagpo ang kanilang kapalaran. Nagkakilala sila sa trabaho bilang ahente ng produktong binibenta nila hanggang sa sila ay nagkamabutihan at nagdesisyong bumuo ng pamilya. Bilang mag-asawa, naging mataas ang kanilang pangarap at nagsumikap upang makapagsimula ng kanilang sariling negosyo. Gamit ang puhunang PhP 5,000, na galing sa regalong nakuha nila sa kanilang kasal, nagsimula silang bumuo ng trading company. Naging matagumpay sila rito kaya naman nagkaroon sila ng inspirasyong gumawa ng sarili nilang beauty product company dahil na rin sa hilig ni Apple Raca sa beauty at skincare products.

Noong 2014, nalaman ni Henry Raca ang SETUP mula sa panonood sa telebisyon. Dahil sa kanilang motibasyon na paigtingin ang kanilang manual soap production process, naisipan ng mag-asawa na mag-apply sa SETUP sa tulong ng Provincial Science and Technology Center-Batangas. Matapos maaprubahan ang kanilang aplikasyon, nakakuha sila ng mga equipment na naging malaking tulong sa kanilang mga proseso at mabawasan ang mga “reject” na produkto. Sa unti-unting pag-unlad ng kanilang negosyo, nakapag-bigay sila ng trabaho hindi lamang sa probinsya ng Quezon at Batangas, kung hindi sa iba’t ibang lugar na rin sa bansa dahil sa pagkakaroon nila ng regional distribution channels.

Maliban sa SETUP project na kanilang kinuha noong 2014, nakatanggap din sila ng iba pang serbisyo mula sa DOST gaya ng Energy Audit Consultancy Program, PO Financing Program, at LIGTAS COVID-19 Program sa ilalim ng DOST-Technology Application and Promotion Institute. Noong 2020, nag-apply din sila sa iba pang SETUP project na layon namang mas mapaaayos ang kanilang cosmetic line production process at catering pending market. Dahil dito, nagkaroon sila ng 436% na kabuuang pagtaas sa production volume mula 2014 hanggang 2021, 92.2% na pagtaas sa sales, local at export market penetration, mas maaayos na packaging at soap cutting processes, kung saan nabawasan ang posibilidad ng kontaminasyon at nasigurong mataas ang kalidad ng kanilang produkto. Bukod pa rito, nabawasan din ang kanilang mga hindi pasadong produkto mula 23% hanggang 2% na lamang sa kasalukuyan. Nakatipid din sila nang 45% sa kabuuang konsumo sa kuryente at 88% naman sa oras ng produksyon. Sa ngayon, mayroon nang 600 na empleyado ang kanilang kompanya mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kung ikukumpara sa ibang kompanya ng sabon, mas pinaigting nila ang kanilang market-oriented research at development program. Dahil dito, nakapag-prodyus sila ng sarili nilang “Kereina White Formula” na gumagamit lamang ng all-natural plant-based ingredients para sa kanilang soap products. Gamit ang formula na ito, nakatulong ang mag-asawa sa higit 5,000 coconut farmers na nagsu-supply ng kanilang coconut oil requirement.

Nakapag-debelop din sila ng kanilang emergency-ready strategic plan kung saan mayroon silang business continuity plan, five-year market plan, total year plan, risk management pkan, at research and development plan. Upang masiguro ang sustainability ng kanilang negosyo, bumuo sila ng tatlong kompanya na nakatuon lamang sa local, export, at online marketing distribution ng kanilang produkto. Mayroon na silang US-based extension office sa Azusa, California para sa distribusyon ng kanilang produkto sa 40 estado sa Estados Unidos. Bukod pa rito, nag-eexport na rin sila ng produkto sa iba’t ibang bansa sa Asia, United Arab Emirates, Africa, Australia, at iba pa.

Ipinagmamalaki rin ng mag-asawa ang kanilang mga pagkilalang nakuha sa loob at labas ng bansa gaya ng pagiging “First Filipino Cosmetic Company with HALAL Compliant Manufacturing Plant certified by the United Arab Emirates” at “First Filipino Cosmetic Company with HALAL Certification in Middle East given by Prime Certification Accreditation”. Mayroon din silang Canadian Health Accreditation for Cosmetics and Skincare. Bukod pa rito, tinagurian din silang “Best Innovative Product Award in South Luzon during the Department of Trade and Industry’s Gawad SME” at “2020 Injap Sia Outstanding Young Entrepreneur Awards Finalist”.

Bukod sa kanilang kontribusyon bilang mahuhusay na negosyante, isa rin silang ehemplo dahil hindi sila nakakalimot na magbigay-tulong sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng #Project C&H: We Care and Help Program. Ilan sa mga aktibidad sa programang ito ay ang paggamit ng chemical drums bilang trash bin at bench na tulong sa mga paaralan at barangay sa Quezon, annual financial support sa Brgy. Balat-Atis, San Antonio, Quezon, at sponsorship sa mga civic program katulad ng DepEd Brigada Eskwela sa Batangas at Quezon.

Kinilala rin ang kanilang kompanya ng Municipal Government of San Antonio, Quezon bilang unang kompanya sa kanilang munisipalidad na may non-discriminatory hiring practice sa kanilang pagbibigay ng trabaho at oportunidad sa mga senior citizen, PWD, LGBTQIA+, at out-of-school youths sa kanilang komunidad.

Sa lahat ng mga pagkilala at tagumpay na natamo ng mag-asawang Raca, ang tanging nais nilang ipahatid sa mundo ay ang kuwento ng kanilang pagsusumikap at pag-abot sa kanilang pangarap hindi lamang para sa kanilang sarili kung hindi para sa pag-unlad ng kanilang komunidad. (Ni Jasmin Joyce P. Sevilla, DOST-STII at impormasyon mula kay ​​John Maico M. Hernandez, DOST-IV A)