Magiging katuwang na ng Department of Science and Technology – Advanced Science and Technology Institute o DOST-ASTI ang Information and Communications Technology – Disaster Risk Reduction and Management (ICT-DRRM) Section ng DOST-XI sa paggawa ng flood impact maps sa naturang rehiyon para sa sakuna na may kaugnayan sa pagbaha.
Ito ay matapos makumpleto nina Jonathan Victolero,, John Paolo Boniel, Ephraim Franco, Rey Suarez, at Sukarno Sukarno, na pawang mga ICT practitioner ng DOST-XI, ang tatlong araw na Flood Mapping Training Series na isinagawa online noong ika-12 hanggang 14 ng Oktubre 2021.
Tampok sa naturang pagsasanay ang mga eksperto mula sa DOST-ASTI Remote Sensing and Data Science: DATOS Project Help Desk na nanguna sa pagbibigay ng lecture, discussion, at hands-on training sa mga proseso, system requirement, at teknolohiya para sa naturang metodolohiya.
Gumagamit ang DATOS ng makabagong teknolohiya ng computing technology na siya namang ginagamit sa iba’t ibang larangan tulad ng Geographic Information Systems, Remote Sensing, Artificial Intelligence, at Data Science upang makagawa ng mapa at makapagbigay ng iba’t ibang klase ng impormasyon na makatutulong sa pagbabawas ng panganib ng kalamidad.
Isa na nga rito ang paggawa ng flood map na isang visualization tool na nagpapakita ng potensyal at aktwal na baha sa mga lugar na may kalamidad. Malaki ang naitutulong nito sa gobyerno at iba pang mga stakeholder upang mataya ang panganib at aktwal na epekto ng pagbabago ng panahon at magsilbing gabay sa isasagawang mga operasyon ng pagsagip at rehabilitasyon.
Ani Boniel, bagama’t natapos na ang training ay patuloy nilang gagamitin ang mga kakayahang natutunan nila sa paggawa ng mga mapa. Ang mga magagawa rin nilang mapa ay magiging kotribusyon ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council XI sa paggawa ng mga istratehiya at pagresponde sa mga kalamidad kaugnay ng baha.
“We also aim to introduce this to the Regional DRRM Council XI which includes the National Government Agencies, Local Government Units, and other stakeholders for
utilization,” pagtatapos niya. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-XI S&T Promotion)