Kamakailan ay nakatanggap ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ang DOST-Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI) Rubberwood Processing Plant sa Zamboanga Sibugay mula sa Department of Environment and Natural Resources – Environment Management Bureau (DENR-EMB) Region IX.
Ang sertipikasyong ito ay nagpapatunay na pasado ang processing plant sa ginawang pagsusuri ng DENR at walang itong negatibong dulot sa kalikasan. Sa paggawad ng ECC, nangangahulugan na kailangang masunod ng Tambanan Agrarian Reform Beneficiaries Cooperative (TARBEMCO), katuwang ng DOST-FPRDI, ang lahat ng mga requirement upang protektahan ang komunidad sa anumang posibleng epekto ng proyekto. Kasama na rito ang mga epekto sa kasulugan, kapakanan, at kalikasan ng komunidad.
Nakuha ng Rubberwood Processing Plant sa Naga, Zamboanga Sibugay ang ECC mula sa DENR-EMB Region IX.
Sinimulan ng DOST-FPRDI noong 2018 ang proyektong “Processing and Utilization of Senile and Unproductive Rubberwood (Hevea brasiliensis) Trees for the Production of High Value Furniture, Mouldings and Joineries” upang makatulong sa karagdagang kita sa mga TARBEMCO rubber farmer.
Sa loob ng tatlong taon, nakapagsagawa ang DOST-FPRDI ng iba’t ibang training tungkol sa harvesting at sawmilling, rubberwood preservation at treatment, kiln drying, woodworking, machine operation at maintenance, furniture making, at basic finishing.
Sa tulong ng DOST-FPRDI, nadagdagan ang kaalaman at kakayahan ng mga rubber farmer sa tamang paggamit ng rubberwood trees upang makapag-prodyus ng de-kalidad na produkto sa merkado.
Dagdag pa rito, nakabuo rin ng kumpletong linya ng mga pasilidad para sa mga proseso mula sawmilling hanggang finishing, kung saan ginagamit ang mga lumang rubberwood trees upang makagawa ng mataas na kalidad ng produkto gaya ng furniture, door at door jambs, at iba pa. (Ni Jasmin Joyce P. Sevilla, DOST-STII at impormasyon mula kina Engr. Victor G. Revilleza & Erin Neza C. Adrales, DOST-FPRDI)