MENU

Humigit sa isang libong mahihilig sa matatamis na tsokolate ang nagsama-sama sa isang webinar na inorganisa ng Department of Science and Technology (DOST) Region XI noong ikatlo ng Nobyembre 2021. 

Mga estudyante, guro, empleyado ng gobyerno, negosyante at mga chocolate enthusiast mula Luzon, Visayas, at Mindanao ang natuto ng iba’t ibang kaalaman tungkol sa tsokolate. 

Si Vina R. Antopina, director ng Provincial Office ng DOST sa Bohol at nagsisilbing DOST consultant at chocolatier, ang nagbahagi ng kaniyang mga kaalaman lalo na sa siyensya sa likod ng paggawa ng tsokolate, mga sangkap, terminilohiya sa proseso, at teknik sa paggawa, at iba pang scientific principles. 

Naging parte rin ng diskusyon ni Antopina ay ang mga hakbang sa produksyon at pag-monitor sa paghahanda sa paggawa ng tablea bar mula sa dry cacao bean. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng maayos at magandang packaging sa mga produktong tsokolate. 

“I find it very timely because Davao was recently declared as the Philippine’s chocolate capital,” bahagi ni Antopina. “I know that there are a lot of seasoned and newbie chocolate makers and chocolatiers in town who offer chocolates in various shapes, textures, and even colors,” dagdag pa niya. 

Noong ika-27 ng Mayo 2021, pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Durterte ang Republic Act 115471 kung saan idinedeklara ang Lungsod ng Davao bilang “Chocolate Capital of the Philippines” at ang rehiyon ng Davao bilang “Cacao Capital of the Philippines’. Dahil sa lokasyon at naangkop na klima, nakilala ang rehiyon ng Davao bilang pinakasentro ng paggawa at produksyon ng cacao at naghahatid ng malaking kontribusyon sa ekonomiya at kabuhayan ng mga lokal na residente at magsasaka. 

“Start learning now and never stop learning. Join free webinars and online chocolate classes. If the talent is not fit but the interest is there, you hire talented people. Always remember that if it can be imagined, it can be done,” payo ni Antopina. 

Ang Science of Chocolate webinar ang ilan sa mga aktibidad na isinagawa ng DOST-XI sa katatapos lamang na 2021 Regional Science and Technology Week celebration sa Rehiyon ng Davao noong ikatlo hanggang ikalima ng Nobyembre 2021. (Ni Allan Mauro V. Marfal, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-XI)