Kung ikaw ay uhaw, subukan ang Bukolyte!
Ipinakilala ng Department of Science and Technology (DOST) noong ika-24 ng Nobyembre sa SM City Davao, Ecoland, sa pangunguna ng food innovation facility ng DOST Regional Office XI (DOST-XI), ang nadebelop nitong bagong coconut juice drink.
Ito ay ang bukolyte, na isa lamang sa maraming pagkaing produkto ng Food Processing Innovation Center-Davao (FPIC-Davao) na isang one-stop shop na food research and development hub para sa mga lokal na food processor, mga estudyante, teknolohiya ukol sa pagkain, at mga mananaliksik kung saan maaari silang magtulungan sa paggawa ng value-adding food product. Ito ay isang kolaborasyon sa pagitan ng DOST-XI, Philippine Women’s College Davao, Department of Trade and Industry XI, at ng Food Processors Association of Davao (FPAD), Inc.
Ang naturang powdered juice drink ay nadebelop gamit ang spray drying technology ng FPIC na may kakayahang gawing powder or pulbos ang likidong katas ng prutas habang napapanatili ang importanteng mga nutrisyon nito. Maganda itong alternatibo sa iba pang inuming nabibili sa merkado dahil wala itong dagdag na artipisyal na pampalasa at preserbatibo.
Ang bukolyte ay punong puno ng sustansya at mineral at may sangkap na apat na electrolyte, ang potassium, sodium, calcium, at magnesium, na kilalang nakatutulong upang mapabilis ang hydration ng katawan. Partikular din itong dinisenyo para sa modernong on-the-go hydration na nakatutulong sa mga konsumer na uminom ng sabaw ng buko saanman o kailanman nila naisin.
Nakatutulong din ang bukolyte upang malunasan ang dehydration na dulot ng labis na pagsusuka at pagtatae, labis na pamamawis dahil sa ehersisyon at init, at sa hangover dulot ng alak.
Kilala bilang ‘tree of life’, ang buko o niyog ay itinuturing na isa sa mga pangunahing pananim sa bansa dahil sa kapakinabangang dulot nito bilang panggatong, pagkain at inumin, sa konstruksyon, pampaganda, medisina, at iba pa. Ilan sa mga popular na produktong maaaring sangkapan ng buko o niyog ay pie, cake, ice cream, kendi at jam.
Ang naturang launching ay bahagi ng birtwal na selebrasyon ng DOST ng National Science and Technology Week mula ika-22 hanggang 28 ng Nobyembre na may temang “Agham at Teknolohiya: Tugon sa Hàmon ng Panahon.” (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-IX)