MENU

Sa tulong ng mas pinabuting proseso, ang ginisang burong dalag ngayon ay nagtataglay ng 24%-26% na lamang na asin at ito ay mas masarap, mas masustansya, at mas mabango kumpara sa normal nitong produksyon. Pumasa rin ito sa 365 days shelf-life test na nangangahulugang maaari itong tumagal na nakaimbak nang higit sa isang taon.

Ang produktong ito ay ginawang posible sa pamamagitan ng kolaborasyon para sa proyektong tinaguriang “Burolicious [fermented and delicious] project: its processing, packaging, commercialization and project implementation” ng Pangasinan State University-Bayambang Campus at ng Department of Science and Technology (DOST)-Region I Food Innovation Center.

Ang buro ay isang katutubong produkto ng Bayambang, Pangasinan na bahagi na ng kakaiba nitong kultura dulot ng dami ng mga isdang tubig-tabang na matatagpuan sa lawa nito. Ang paniniwala ay nag-ugat ang naturang pagkain sa relihiyon na nagsimula pa noong panahon ng mga Espanyol na sumakop sa Pilipinas nang mahigit 400 taon. Kumakain ang mga tao ng isda at gulay o walang karne bilang paraan ng pag-aayuno tuwing Semana Santa o Mahal na Araw, kung kaya’t naging pangkaraniwang pagkain ang buro sa mga hapag-kainan.

Bago ang naturang proyekto, ilang pag-aaral ang nagsasabi na kumakaunti ang mga gumagawa ng buro dahil sa matrabahong proseso ng paggawa nito, makalumang teknolohiya, at kakulangan ng kapital. Kaunti rin ang bumibili nito dahil sa taglay nitong amoy na hindi kaaya-aya. Pawang matatanda lamang na kayang tiisin ang amoy ang pangunahing kumakain nito.

Ang buro ay karaniwang itinitindang sariwa sa mga palengke ng Bayambang, Pangasinan, at kadalasang iniluluto ng mga kakain nito ayon sa kanilang sariling panlasa kung kaya’t sari-sariling ring pormulasyon ng mga gumagawa ng buro.

Ani ng isang informant sa naturang pag-aaral, ang dami ng asin ay depende sa kung gaano katagal na gusto itong i-preserba ng gumagawa ng buro.

Sa isang kaugnay rin ng pag-aaral, 30% hanggang 35% ang karaniwang proporsyon ng ginagamit na asin, ngunit nang tanungin kung mayroong pamantayan para sa dami ng sangkap, sinabi ng mga kalahok sa pag-aaral na depende sa gumagawa ng buro ang dami ng asin, kanin, at iba pang sangkap na ginagamit. Karaniwang pamantayan ay mas maraming asin, mas mahaba ang panahon na maaari itong iimbak.

Sa isinagawang commercial sterility test kung saan lumabas na ang makabagong buro ay walang negatibong bakas ng mapanganib na aerobic at anaerobic bacteria ginamitan ng malt extract at acid product test broth, maituturing na katanggap-tanggap ang pinaunland na ginisang burong dalag at may potensyal na mai-export. Mayroon din itong mababang bilang ng amag at pampaalsa kumpara sa iba pang fermented manufactured goods.

Sa isinasagawa ring market pilot test, ang preparasyon ng tatlong kilo ng buro ay maaaring tumubo nang 36.26% para sa lutong buro at 48.26% naman para sa sariwang buro. Naitaas din nito ng tatlo hanggang apat ang manggagawa kada pabrikante ng buro.

Sa kasalukuyan, mayrong 23 kababaihan sa tatlong barangay at isang model cooperator, ang Shelflex Food Products na natulungan ng DOST sa pamamagitang ng programa nitong Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP, ang sinanay ng mga mananaliksik. Anila, ang makabagong paraan ng paggawa ng burong dalag ay may potensyal na lumago bilang isang malaking mapagkakakitaang industriya.

Ang Burolicious ay isa lamang sa mga produktong resulta ng pananaliksik at pagpapaunlad na bahagi ng taunang pagdiriwang ng National Science and Technology Week na ngayong taon ay may temang “Agham at Teknolohiya: Tugon sa Hamon ng Panahon” na ginanap mula ika-22 hanggang 28 ng Nobyembre 2021. Para sa iba pang impormasyon, maaaring bisitahin ang www.nstw.gov.ph at ang opisyal niyong Facebook account.

Maaari ring magpadala ng mga tanong sa 2021 NSTW Secretariat sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. at This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula kay Geraldine Bulaon-Ducusin, DOST-STII)