Limang katangi-tanging micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ang nakatanggap ng SETUP PRAISE Awards na ginanap noong ika-23 ng November 2021 kasabay ng selebrasyon ng National Science and Technology Week (NSTW).
Pinili ang top five finalists at apat na runner-ups na nakatanggap ng pagkilala sa pamamagitan ng mga sumusunod na kategorya: Most Productive, Most Resilient, Most Agile, Most Innovative, at ang National Winner.
Sa unang pagkakataon rin ay nagkaroon ng isang special award - Most Industry 4.0-Ready Award o ang i-Ready Award, na ibinigay sa MSME na nagpakita ng kahandaan at kakayahan na makibagay sa Industry 4.0 technologies sa kanilang operasyon.
Ang mga sumusunod ang nagwagi sa 2021 SETUP PRAISE Awards for MSMEs (hindi partikular na pagkakasunud-sunod):
- Herbanext Laboratories, Inc. - itinanghal bilang Most Agile MSME. Kilala sa paggamit ng mga halamang gamot para sa kanilang healthcare at paggawa ng mga produktong pangkalusugan sa tulong ng DOST developed technologies. Isa sa pinakamalaking naging kontribusyon nila ay ang Herbanext Botanical Garden na nagpo-promote ng biodiversity conservation dito sa bansa;
- VL Food Products - ang Most Productive MSME. Nagsimulang maliit hanggang sa unti-unting umunlad dahil sa kanilang mga katangian at pagbabago. Sa pamamagitan ng DOST, lumago ang isa sa kanilang mga produkto kung saan mula sa limang klase ng tuna products ay naging 42 klase ito. Napalawig din nila ang kanilang operasyon at isinama ang Halal R&D activities para mas mapaunlad ang lasa at flavor ng kanilang mga produkto na naging daan para mai-export sa ibang merkado, lalo't higit sa Muslim community;
- Allen Stick and Trading - kinilala bilang Most Innovative MSME. Ang kompanya ay pagmamay-ari ni Dr. Allen Salvatierra, isang rural health doctor na nakaimbento ng Allen Stick - isang heightboard na portable at mas pinadaling paraan para masukat ang haba at taas ng isang bata. Sa tulong ng DOST, napataas ang kanilang produksyon at mas napaganda ang kalidad ng produkto. Nakatulong din ito para makagawa ng mga bagong produkto ang kompanya;
- Ideatechs Packaging Corporation - ang nakapaguwi ng 2021 National Winner award. Isang kompanya na nagmula sa Portero, Malabon City na gumagawa ng mga paper-based packaging materials na disposable, biodegradable, at highlt recycable. Bukod rito, nagbigay daan ang technological interventions ng DOST para adagdagan ang kanilang mga produkto, bilang ng empleyado, at kapasidad sa produksyon kung saan mula sa mano-mano ay naging awtomatiko ang produksyon. Nakapagtayo rin sila ng dalawang sales office sa Cebu at Cavite; at,
- C and H Cosmetic Industry - na tumanggap ng Most Resilient MSME at ang unang special award, ang i-Ready Award. Nagsimula sa limang libong pisong kapital, hanggang sa nag-upgrade na sa Industry 4.0. Nag-apply ang kompanya para sa DOST-SETUP noong 2014 at nakatangap ng maraming suportang pangteknolohiya sa kanilang product line - mga sabon at produktong pampaganda. Sa gitna ng pandemya, nakagawa sila ng mga bagong produkto gaya ng alcohol at sanitizer. At maliban rito ay nakapalawak din ang kanilang market sa maraming lugar sa Asya, UAE, Africa, North America, at Australia.
Sa mensahe ni DOST Secretary Fortunato T. de la Peña, nalulugod aniya siya dahil sa kabila ng pandemya, karamihan sa mga tinutulungang MSME ng DOST ay nagpapatuloy sa kanilang operasyon at matapang na hinaharap ang mga pagsubok na dala ng 'new normal'.
Dagdag pa niya, ang mas lalong nakakagalak ay ang inisyatibo ng mga kompanya na masuklian ang komunidad sa pamamagitan ng kanilang mga produkto at serbisyo sa konsepto ng pandemya.
Kabilang sa mga dumalo sa awarding ceremony ay sina Undersecretary for Regional Operations, Engr. Sancho A. Mabborang, DOST-NCR Regional DirectoJose Patalinjug III, DOST-VII Regional Director Ernesto Granada, at University of the Philippines Institute for Small-Scale Industries (UPISSI) Director, Prof. Melanie M. Moraga-Leano.
Samantala, para mapabilang sa isa sa mga SETUP PRAISE Awardees, ang mga MSMEs ay kinakailangan na may SETUP iFund at naibalik ang 85% - 100% ng assistance at naideklara ng kinabibilangang DOST Regional Office bilang SETUP PRAISE Reginal Winner.
Bilang karagdagan, narito ang mga cash prize na ibinigay sa mga nanalo sa 2021 SETUP PRAISE Awards: P10,000.00 - Provincial Winner; P20,000.00 - Regional Winner; P50,000.00 - Finalists; at P100,000.00 - National Winner, kung saan ang kabuuang cash prize na nakuha ng nanalo ay P180,000.00.
Idinaos ang 2021 NSTW noong ika-22 hanggang ika-28 ng Nobyembre na may temang, "Agham at Teknolohiya: Tugon sa Hamon ng Panahon". Para sa karagdagang detalye maaaring bisitahin ang NSTW website, http;//nstw.dost.gov.ph/ at pwede rin i-follow ang NSTW Facebook Page, https://web.facebook.com/nstwdost. (Ni Jerossa A. Dizon, DOST-STII at impormasyon mula kay Rachel R. Perez, DOST-STII)