Humigit kumulang 14 na mga kakaibang hayop na matatagpuan sa Siargao ang tampok sa pagdiriwang ng 2021 National Science and Technology Week.
Sa webinar na pinamagatang, “Worth More than Gold: Siargao’s Biodiversity”, pinatunayan na ang Siargao, ay higit pa sa Cloud 9 waves, mga puting buhanging, Sugba Lagoon, at Magpupungko Rock Pools.
Ang nasabing webinar ay pinangunahan ng Department of Science and Technology-National Research Council of the Philippines (NRCP) na sumasailalim sa Kagawaran ng Agham at Teknolohiya o Department of Science and Technology (DOST). Gumamit ang nasabing ahensya ng animation upang maipamalas ang bunga ng pananaliksik o basic research at mahikayat ang kabataan na pangalagaan ang kalikasan.
Mula sa malikhaing pagtatanghal gamit ang animation, tila nagsasalita ang bawat hayop tungkol sa sarili nila, tirahan nila, at kung paano sila mapo-protektahan ng mga tao. Kasabay ng mga animation ay mga aktwal na bidyo mula sa kanilang likas na tahanan.
Isa sa mga pinakita ay ang Mindanao tree squirrel na matatagpuan lamang sa Mindanao at Palawan. Buhat ng pinakahuling pananaliksik, naitala na ang Mindanao tree squirrel ay naninirahan din pala sa Siargao. Tumutulong ang Mindanao native squirrel sa pagpaparami ng mga puno. Kinakain nito ang mga bunga at niluluwa o dinudumi nila ang mga buto nito sa kagubatan. Kalaunan ay lumalaki ang mga buto para maging bagong henerasyon ng mga puno sa kagubatan.
Nailathala din na maraming alimango o mudcrabs sa mga bakawan ng Siargao. Mudcrabs o mangrove crabs (Scylla serrata) ang tawag dito. Niluluto sila nang may coconut curry o garlic butter.
Tampok din ang mga sumusunod na buhay-ilang sa Siargao:
- Philippine duck, Anas luzonica
- Sailfin lizards
- Firefly or alitaptap
- Paka gadikit or Kurixalus appendiculatus
- Orange-fiddler crab
- Saddle butterfly fish, Chaetodon ephippium
- White-eared brown dove
- Lesser long-tongued fruit bat
- Philippine crocodile o Crocodylus mindorensis
- A butterfly species, Ypthirea serrepea
- Fanged river frog, mula sa genus na Limnonectes
- Orange-dotted tuskfish, Protogynous hermaphrodite
Ang Mindanao tree squirrel, mud crabs at mga hayop na nabanggit ay ilan lamang sa 403 na mga buhay-ilang na makikita sa bayan ng Del Carmen, Siargao Islands.
Ang nasabing tala at ang webinar na ito ay bunga ng isang malawak na proyekto na naglalayong ilista ang mga hayop at halaman na nasa Siargao. Ito ay sinuportahan ng DOST-NRCP.
Naitala din na ang Siargao Islands ay may humigit 100 kakaibang halaman, ayon kay Dr. Cecilia B. Moran, ang pinuno ng nasabing proyekto at propesor mula sa University of Santo Tomas sa Manila
“Sa pamamagitan ng video na inyong mapapanood, nais naming isulong o i-promote ang basic research at maipamahagi ang aming mga natuklasan sa isang malikhain at mas naiintindihan ng mga karaniwangi indibidwal at lalong lalo na ng mga mag-aaral,” sabi ni Dr Moran.
Pagpapasalamat sa bunga ng pananaliksik
Pinasalamatan ni Engr. Proserfina Matugas-Coro, alkalde ng Del Carmen, ang buong DOST sa pagsuporta nasabing proyekto.
"Growing up, we have our names for the flora and fauna found in the islands. But it is only recent, with the support of DOST... that finally we have scientific names attached to our endemic species and found new species to science," sabi ng alkalde.
Hinikayat din ng alkalde ang iba pang mga kagawaran ng pamahalaan, mga pamantasan at maging mga nasa pribadong sektor na patuloy na magtulungan upang mapangalagaan ang likas na yaman sa Siargao Islands.
Binahagi naman ni DOST Secretary Fortunato T. de la Peña na ang pangangalaga ng yamang likas ay tumutulong sa pagtatayo ng kaunlaran na nagmumula sa sariling bayan.
"Today we will witness the outstanding works of our scholars and the brightest minds in the Philippines as they instrumentalize the power of knowledge in making harmony and sustainability possible," dagdag pa ng pinuno ng DOST. (Ni David Matthew C. Gopilan, DOST-STII)