Nasa 473 ang bilang ng mga ‘undernourished’ na mga bata mula sa mga bayan ng Laurel at Talisay sa Batangas na natulungan ng Enhanced Nutribun (e-Nutribun) Feeding Program na ginawa noong Agosto hanggang Nobyembre nang nakaraang taon.
Ang nasabing feeding program ay pinagsamang proyekto ng Department of Science and Technology (DOST) CALABARZON sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Center–Batangas, CDO Foodsphere, Inc., at Odyssey Foundation, Inc. (OFI) na nilalayong malabanan ang problema sa malnutrisyon sa nabanggit na mga munisipalidad.
Ang e-Nutribun ay ang mas pinagandang klase ng kinagisnang nutribun noong dekada ’70. Nagsagawa ang DOST Food and Nutrition Research Institute ng pagsasaliksik para mas maging masustansya ang e-Nutribun na may bigat na 160 – 165 grams bawat piraso kaya mas madali itong mahawakan at makain ng mga bata. Ang bawat isang tinapay ay naglalaman ng 504 calories, 17.8 grams protein, 6.08 milligrams iron at 244 micrograms ng Vitamin A.
Maliban sa DOST–CALABARZON, CDO Foodsphere, Inc. at OFI ay tumulong din ang Municipal Social and Welfare Office, DayCare Teachers at Barangay Health Workers sa pamimigay ng e-Nutribun supplies sa mga benepisyaryo.
Nakitaan ng malaking karagdagan sa timbang ang mga batang kabilang sa programa at bukod rito ay naobserbahan din ang mas pagiging aktibo nila sa paglalaro. Ibinahagi din ng mga magulang kung paanong nakatulong ang e-Nutribun para masiguro na matatanggap ng kanilang mga anak ang sustansyang kinakailangan nila.
Kasunod nito ay nagsagawa ng closing ceremony noong ika-10 ng Disyembre para sa nasabing proyekto kung saan dinaluhan ito nina DOST–CALABARZON Regional Director Emelita Bagsit, OFI President Dr. Charmaine Ong-Castro, CDO Foodsphere, Inc. Vice President for Emerging Business Jayson Ong, DOST-FNRI Director Dr. Imelda Angeles-Agdeppa, at ang punongbayan ng Laurel Hon. Joan Amo.
Sa ipinadala namang recorded video message ni DOST Secretary Fortunato de la Pena ay ipinakita nito ang pagkalugod sa nasabing proyekto ng ahensya kasama ang CDO Foodsphere Inc. at OFI.
Dagdag pa ni Sec. de la Pena, taimtim niyang hiling ang mas malusog na bansa para sa mga susunod na henerasyon sa pamamagitan ng pagsusulong mga kaparehong proyekto na layuning malabanan ang malnutrisyon.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Mayor Amo sa DOST–CALABARZON, CDO Foodsphere Inc., at OFI dahil sa aniya ay malaking ambag ng programa upang masigurado ang nutrsiyon sa mga bata sa kabila ng kinakaharap na pandemya.
Samantala, maliban sa e-Nutribun ay nagkaloob din ang DOST–CALABARZON sa mga batang benepisyaryo ng iba pang DOST FNRI-developed nutritious products gaya ng rice-mongo crunchies at pancit canton na may kalabasa. (Ni Jerossa Dizon, DOST-STII at impormasyon mula kay John Maico M. Hernandez, DOST-CALABARZON)-Larawan mula sa DOST-CALABARZON.