MENU

Sa tulong ng Department of Science and Technology (DOST)-Region III, katuwang ang Central Luzon State University (CSLU), nakapagbigay at nakapagpatayo ng 30 unit ng vertical tower hydroponics system na may protective covering sa isang beneficiary group ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Brgy. Conversion, Pantabangan, Nueva Ecija. Dahil sa interbensyong ito, maaari nang makapagtanim ang mga benepisyaryo sa Pantabangan ng high-value crops katulad ng strawberry, lettuce, at basil.

Karamihan sa mga miyembro ng 4Ps beneficiary group ay mga vegetable grower na dahil sa mga di inaasahang pangyayari ay kinailangang gumamit ng rainfed agriculture sa kanilang pananim. Dahil nakasalalay sa panahon ng tag-ulan ang kanilang mga pananim na gulay, nalilimitahan ang kanilang produksyon tuwing mga buwan ng tag-init.

Kaya naman, malaki ang maitutulong ng vertical tower hydroponics system sa mga vegetable grower sa Pantabangan dahil ang sistemang ito ay water-efficient at space-saving technology. Sa kabuuan, makatutulong ang sistemang ito sa food security at sustainability dahil sa soilless at water recirculating principle nito. Dahil dito, maituturing na benepisyal ang vertical garden hindi lamang sa maayos na produksyon ng pananim kung hindi pati na rin sa ating planeta.

Sa loob ng greenhouse, maaaring makapagtanim nang hanggang 40 halaman sa isang vertical garden. Ibig sabihin, marami ang maitatanim sa loob ng isang maliit na espasyo. Bukod pa rito, gumagamit din ang vertical tower system ng ground heat exchanger para sa root zone cooling na nakatutulong pataasin ang produktibidad lalo sa mga lugar na may maiinit na klima.

“Ginawa nating mas simple ang paraan ng paggamit ng technology na ito para mas madaling maintindihan at magamit ng ating mga beneficiary, para makapag-produce na sila ng kanilang mga masusustansiyang ani na maaari din nilang ibenta para pagkakitaan,” paliwanag ni Engr. Christopher S. Pascual, project leader ng CLSU Hydroponics and Aquaponics Technology (CHAT), sa isang technology training na ginanap noong ika-6 ng Disyembre 2021.

Labis naman ang pasasalamat ni Marilyn Tiburcio, 4Ps coordinator, sa tulong na ito mula sa DOST-III. “Ako po at ang aking mga kasamahan ay lubos na nagpapasalamat sa DOST sa ibinigay nilang proyekto sa aming mga 4P’s upang matulungan kami na magkaroon ng matatag na pangkabuhayan lalo na po sa panahon ng pandemya. Makakaasa po kayo na ang ibinigay niyo po sa amin ay aming gagamitin at pag yayamanin. Hinding hindi po namin kayo bibiguin,” aniya.

Samantala, ang pagbibigay ng teknolohiyang ito sa komunidad ng Pantabangan ay naging possible dahil na rin sa pinansyal na suporta sa DOST-III Community Empowerment thru Science and Technology (CEST) Program mula kay Senator Joel Villanueva.

Ang CEST ay isa lamang sa mga programa ng DOST na naglalayong tulungan at palakasin ang isang komunidad sa pamamagitan ng five-entry points: health and nutrition, water and sanitation, livelihood and enterprise development, education and literacy, at disaster risk reduction and management. (Ni Jasmin Joyce P. Sevilla, DOST-STII at impormasyon mula kay Leidi Mel B. Sicat, Provincial Director, PSTC-Nueva Ecija)- Mga larawan mula sa PSTC-Nueva Ecija

30 units ng vertical tower na may tanim na basil, lettuce, at strawberry

Ipinakita ni Engr. Christopher Pascual sa ilang miyembro ng 4Ps ang tamang pagtatanim ng mga binhi (transplanting) sa vertical tower.

Vertical Garden and Greenhouse Technology na ipinatayo sa Brgy. Conversion, Pantabangan, Nueva Ecija bilang parte ng 2020 CEST Program.

Ilan sa mga miyembro ng 4Ps ang nagtatanim ng mga binhi (transplanting)