MENU

Isang grupo mula sa Department of Science and Technology–Cordillera Administrative Region (DOST-CAR) at mga Provincial Science and Technology Center (PSTC) ng Abra at Apayao ang namigay ng mga unit ng Science and Technology Academic and Research-Based Openly Operated KioskS (STARBOOKS) sa mga piling paaralan sa Abra at Apayao, bilang bahagi ng Science for the People Caravan ng dalawang probinsya.

Sa bayan ng Luna sa Apayao, tig-isang unit ng STARBOOKS ang ipinagkaloob sa Upper Atok Elementary School at Malayugan Elementary School kung saan 11 guro, at isang titser mula sa Apayao Community Learning Center sa Cabugao, Apayao, ang nakasama sa orientation at training noong ika-isa ng Disyembre 2021 na matagumpay na naisakatuparan sa tulong ng Department of Education (DepEd)-Apayao.

Samantala, 36 guro at school personnel naman mula sa Abra High School (AHS), Alangtin Elementary School (AES), at Bantayan Primary School (BPS) ang nagsama-sama sa AHS campus sa Bangued, Abra para sa ceremonial turnover at user’s training na ginanap noong nakaraang ikatlo ng Disyembre 2021, katuwang naman ang DepEd-Abra.

Maliban sa bawat unit ng digital library sa AES at BPS, isang solar panel system din ang ipagkakaloob sa kanila, bilang bahagi ng Community Empowerment through Science and Technology (CEST) program sa bayan ng Tubo, sa Abra.

Ang STARBOOKS ay isang stand-alone information source na dinisenyo para maabot ang mga komunidad na limitado o di kaya ay walang kakayanang maabot ang mga impormasyong may kinalaman sa agham at teknolohiya. (Ni Jerossa Dizon, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-CAR) Mga larawan mula sa DOST-CAR