MENU

Hindi lingid sa kaalaman ng karamihan sa atin na bukod sa pagiging batikang manunulat, kilala rin si Dr. Jose P. Rizal bilang opthamologist at ininhenyero noong panahon na sinakop ng mga Espanyol ang Pilipinas.

Kaya naman sa pagdiriwang ng ika-125 na taon ng kadakilaan ng ating Pambansang Bayani, pormal nang ipinakilala ng Department of Science and Technology (DOST), katuwang ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa publiko ang 3D printed na monumento ni Rizal sa compound ng DOST sa Bicutan sa lungsod ng Taguig.

May taas na 12.5 ft ang nasabing istatwa at ikinokonsidera na una at pinakamataas na 3D printed na monument sa bansa. Dagdag pa rito na kaya nitong tumayo sa lakas na hangin na hanggang 330 kph at 7.0 magnitude na lindol. Ang disensyo ay inspirasyon mula sa pag-aaral ng mga historyador at alagad ng sining mula sa DOST-National Research Council of the Philippines. Pagkatapos, nilikha ito ni Professor Jose Manuel Sicat mula sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman sa College of Fine Arts.

Sa kanyang mensahe, binanggit ni DOST Secretary Fortunato T. de la Peña na ang pagbuo at pagtayo ng 3D-printed na monumento ni Rizal ay magpapaalala sa kasalukuyang henerasyon ng kanyang pagiging makabayan at magpapakita kung anong benepisyo ang maihatatid kapag pinagsanib-pwersa ang siyensya, kasaysayan, at sining.

“It is my hope that our Filipino youth will look up to this monument and will say gusto ko maging katulad ni Jose Rizal, matalino at may pagmamahal sa bayan. As I said Dr. Rizal did not do science for his own sake and to receive recognition, he did it for the sake of others. He did Science for the People,” ayon kay Secretary de la Peña.

Ang 3D-scanned at 3D-printed na istatwa ay binuo sa Advanced Manufacturing Center (AMCen) ng DOST-Metals Industry Research and Development Center (DOST-MIRDC). Binuo lamang ito nang wala pang dalawang buwan, patunay sa abilidad na magdebelop ng 3D-printed na materyales at istraktura na kakayanin ang lakas ng iba’t ibang kalamidad.

Samantala, ibinahagi naman ni Prof. Sicat na ang buong iskultura ay hindi lamang nagpapakita ng kontribusyon ni Dr. Rizal sa larangan ng siyensya at teknolohiya kung hindi mensahe rin na kinakailangang gamitin at ibahagi ito sa mga Pilipino.

Samantala, hinakayat naman ni NHCP Chair Rene R. Escalante na magsilbing gabay sa atin ang alala ni Dr. Rizal na pagtagumpayan ang kasalukuyang pagsubok.

“Let us join forces in promoting science, truth, and life. Please accept our heartfelt thanks and congratulations to the DOST on the unveiling of the historical marker and 3D monument,” hikayat ni Chair Escalante.

Ibinahagi naman ni Taguig City 2nd District Representative Maria Laarni “Lani” Cayetano ang kanyang pagkamangha na may kakayahang buhayin ng siyensya at teknolohiya ang kontribusyon ng ating pambansang bayani sa pinakamasining na paraan.

Ang 3D na istatwa ay pagbibigay-pugay ng DOST sa buhay at kontribusyon ni Rizal sa bansa partikular sa larangan ng siyensya. Ang proyekto, bilang pag-alala sa ika-125 na kadakilaan ni Dr. Rizal, ay pinangunahan ng DOST-MIRDC, the DOST-NRCP, at ng DOST-Science and Technology Information Institute.

Matatagpuan sa compound ng Department of Science and Technology (DOST) sa Bicutan sa lungsod ng Taguig ang bagong tayo na 3D printed monumento ni Dr. Jose P. Rizal bilang siyantipiko. (Kuha ni Henry A. de Leon, DOST-STII)