MENU

Bagong taon, katuparan ng pangarap na bagong kabuhayan!

Masayang sinalubong ng mga miyembro ng isang komunindad ng Aeta sa Brgy. Banoyo, San Luis, Batangas ang bagong taon matapos na maisakatuparan ang pangarap nilang solar-powered na panahian na bunga ng dayalogo nila kasama ang Department of Science and Technology (DOST)-Batangas.

Matapos na maikabit ng DOST-Batangas ang off-grid solar power system sa naturang komunidad ng Aeta noong ika-15 ng Disyembre 2021, ipinagkaloob na rin sa kanila ang de-kuryenteng panahian noong ika-18 ng Enero 2022. Bukod rito, pinagkalooban rin sila ng manwal na panahian upang masiguro ang tuloy-tuloy na produksyon ng community enterprise. Gagawin naman sa ika-apat na linggo ng Enero ang isang technology transfer training upang maturuan sila kung paano gamitin ang mga makina gayundin kung papaano gumawa ng damit.

Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang mga miyembro ng nabiyayaang Aeta community, unang una na si G. Zosimo Magtibay, ang kapitan ng komunidad. Aniya, hindi pa rin sila makapaniwala sa suportang kanilang natanggap mula sa DOST mula sa pagkakabit ng off-grid solar power system na nakatulong upang makapag-charge sila ng kanilang mga mobile device at ilaw na maaaring magamit kapag emergency.

“Napakalaking tulong po nitong solar (system) na kaloob sa amin. Dati po dumadayo pa kami sa baba para maki-charge, ngayon po ay dito na kami lalo ang mga kabataan,” ani Magtibay. Bukod sa mga nabanggit, pinagkalooban din sila ng mga solar light, sewing kit, at sewing starter pack.

Nagpahayag din ng pagkasabik ang mga kababaihan ng naturang komunidad na matutunan kung paano gamitin ang mga makina at maisakatuparan ang pangkabuhayan na matagal na nilang pinapangarap. Samantala, bukod sa isasagawang technology transfer training, layon rin ng DOST na makapagbigay ng pagsasanay ukol sa pagnenegosyo upang maturuan ang komunidad ng mga prinsipyo at istratehiya upang mapalago ang kanilang bagong Negosyo.

Ang mga interbensyon na ito ay sa ilalim ng programang DOST CALABARZON’s Community Empowerment thru Science and Technology Project na may pamagat na “Project Aetaguyod: Establishment of an S&T Based Community Livelihood for Aetas in San Luis, Batangas”, katuwang ang lokal na pamahalaan ng San Luis, Batangas.

Sa kasalukuyan, ang naturang Aeta community ay may 68 pamilya, 30 kabahayan, isang common comfort room facility, at sa kabuuan ay may 275 na bilang ng populasyon. Ang komunidad ay isa sa mga prayoridad ng Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster (PRLEC) kung saan miyembro ang DOST. (INi Rosemarie C. Señora, DOST-STIII at impormasyon mula sa PSTC-Batangas)