Tungo sa muling pagbangon matapos ang pagputok ng Bulkang Taal noong 2020 ay sumailalim sa training ng fish processing ang mga miyembro ng isang LGBTIQA+ community sa Talisay, Batangas bilang paunang bahagi sa pagtatayo ng community enterprise na popondohan ng Department of Science and Technology (DOST) – CALABARZON’s Community Empowerment thru Science and Technology (CEST) program.
Kabilang sa itinuro sa grupo na kilala bilang “Sinag ng Kulay” pagsasanay ang processing technologies para sa produksyon ng bottled tawilis, sardinas na bangus at tinapang isda.
Binigyang-diin naman sa pamamagitan ng demostrasyon ang mga mabusisi at maselang bahagi ng fish processing gaya ng paglilinis at pagkakaliskis, pag-aalis ng hasang at laman-loob, paghihiwa, paghuhugas, at pagluluto.
Ipinaliwanag din sa kanila ang mahahalagang punto tungkol sa basic food hygiene at standardizing processes para sa ligtas at pare-parehas na product outputs.
Pagkatapos ng nasabing pagsasanay ay nakatakda na ang Sinag ng Kulay na simulan ang kanilang community enterprise para sa fish processing kung saan ang lahat ng mga equipment at iba pang kinakailangan na materyales para sa operasyon ay ibibigay ng DOST CALABARZON sa ilalim ng CEST Livelihood Program habang sasagutin naman ng lokal na pamahaalan ng Talisay ang production facility nito.
Kaya’t ganoon na lamang ang pasasalamat ng pangulo ng Sinag ng Kulay na si Reynaldo “Renzy” Onera sa DOST at LGU-Talisay sa ipinagkaloob na oportunidad sa kanila. Aniya ay magandang pagkakataon ito sa asosasyon para makapagsimula muli at magkaroon ng kabuhayan.
Pinangunahan ng technical expert na si Ms. Marilou Mosqueda ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – CALABARZON ang naturang pagsasanay katuwang ang dalawang dalawang DOST – Batangas staff na sina Jovell Castillo at Angelica De Sagun.
Kasama rin sa mga dumalo sa training sina Talisay Municipal Administrator Alano Lamano at Municipal Agriculturist Zenaida Macatangay.
Isa ang LGU – Talisay sa mga lugar na kabilang sa proyekto na “CEST for Disaster-Stricken Areas in Batangas Province” at ang ilan nga sa mga naipagkaloob nang tulong rito ay ang pamamahagi ng lambat sa 60 mangingisda, pagsasanay tungkol sa layered maps generation gamit ang Geographical Information System, e-Nutribun Feeding Program at water testing. (Ni Jerossa A. Dizon, DOST-STII at impormasyon mula sa PSTC-Batangas)