MENU

Ang Department of Science and Technology (DOST)—sa pangangasiwa ni Engr. Mario E. de la Peña, direktor ng Provincial Science and Technology (PSTC) -Siquijor—ay nagbahagi ng enhanced nutribun (e-Nutribun) na ipinaabot ng DOST-CALABARZON para sa mga punong-tanggapan, mga manggagawa, at mga nakapiit sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Siquijor.

Noong ika-12 ng Enero taong 2022, bilang bahagi ng tulong-pamahalaan para sa mga nasalanta ng Bagyong Odette, naghandog ang DOST-CALABARZON ng sanlibong piraso ng e-Nutribun sa DOST-PSTC Siquijor upang pangunahing ibigay sa mga proyektong saklaw ng mga programang SETUP, GIA, and CEST ng DOST. Ngunit ayon sa tunay na diwang samaritano, ipinaabot ang biyayang ito maging sa mga munting pamayanan at mga samahan tulad ng Siquijor Women’s Association for a Better Environment (SWABE), Youth Front Liners ng Sangguniang Kabataan (SK) Provincial Federation, at Municipality of Siquijor Sewers Association (MOSSA).

Ang e-Nutribun ay produkto ng DOST mula sa Food and Nutrition Research Institute (FNRI) na nagsisilbing dagdag na pagkaing mapagkukunan, lalo na para sa mga musmos na kabataan. Ayon kay Dr. Imelda Angeles-Agdeppa, Direktora ng DOST-FNRI, ito ay sapat sa sustansya tulad ng vitamins, minerals, at fiber.

Batid ni Engr. Mario E. de la Peña, ikinalulugod niya ang pagkukusang ito mula sa DOST-CALABARZON na pinamumunuan ni Emelita P. Bagsit bilang regional director, maging ang tahas na suporta ni Engr. Jesus F. Zamora Jr. bilang regional director ng DOST-VII. Gayundin, ramdam niya ang taos-pusong pagkakapit-bisig upang ipahatid sa mga nasalanta ng bagyo ang pabaon—higit sa mga nabanggit na tulong—na hindi sila iiwan sa kanilang pagsubok.

Pinuna ni Jean Clair Hibaya ng BJMP na ang e-Nutribun ay malaman, masustansya, masarap, mala-gatas, mabango, at malambot sa bibig. Sa unang kagat, agad namang sinabi ni Arlita Ferolin ng SWABE na ito ay masarap at maingat na niluto. Walang paliguy-ligoy ding ipinahayag ni Mila Abne ng MOSSA na ito ay masarap.

Nang matikman, pinawi agad ni Brylle Deeiah D. Tumarong—pinuno ng SK Federation at kasapi ng lupong panlalawigan ng Siquijor—ang kanyang agam-agam na kainam-inam lamang sa panlabas ang e-Nutribun at sinabing ito ay mala-krema sa panlasa. Pinasalamatan din niya ang DOST-CALABARZON sa pag-abot ng tulong na magsisilbing mapagkukunan ng lakas para sa mga kabataang Siquijodnon.

Marahil hindi pang-habambuhay na mapupunan ng e-Nutribun ang pangangailangan ng tao at hindi rin nanaisin ninuman na dumaan muli ang isa pang Odette upang matikman ito. Mas mainam isipin na mas matimbang ang halaga nito bilang makataong handog sa kapwa kaysa sa presyong taglay nito kada piraso.

Sa isang tinig ay isinigaw ng lahat ang pasasalamat nila sa DOST-CALABARZON at sa DOST-VII. (Ni Allyster A. Endozo, DOST-STII at impormasyon mula kina Engr. Mario E. de la Peña at Jose Aldous R. Arbon II, DOST-PSTC Siquijor)