MENU

Nagtulong-tulong ang Department of Science and Technology – Siquijor Provincial Science and Technology Center, Sangguniang Kabataan Provincial Federation (SKDF), at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office at pinagkalooban ng Nutribun ang tatlong barangay na pinaka-apektado ng bagyong Odette base sa pagsisiyasat ng MDRRMO Siquijor.

Sa isang programa noong ika-14 ng Enero 2022 na tinaguriang “Bayanihan Feeding Program: By the Youth, For the Youth”, nagbahagi ng 300 piraso ng Nutribun ang mga kabataan ng barangay Caipilan, Pasihagon, at Tongon ng Siquijor, Siquijor.

Ang Nutribun ay isang inobasyon sa food technology na nadebelop ng DOST-Food and Nutrition Research Institute mula sa iba’t ibang masusustansyang gulay at hilaw na materyales.

Ayon kay Brylle Deeiah Tomarong na presidente ng SKDF, ang mga programa katulad ng isinagawang Bayanihan Feeding Program ay nakatutulong upang mabawasan ang pagod ng mga kabataang lubhang naapektuhan ng bagyo kaya naman, masaya siyang parte ang kanilang opisina sa pagsasagawa ng community project at umaasa pa siya ng mas marami pang kolaborasyon sa DOST.

Bumisita rin ang SK sa isang senior citizen na biktima ng naturang bagyo sa Brgy. Songculan na nagpahayag din ng pagkatuwa sa naturang programa.

Bagama’t maiksi lamang ang naging programa, nagpaabot ng pasasalamat ang mga kabataan dahil sa sayang dulot ng naturang tulong. Ang isa pa ay nagsabing ““Naa pa diay maluoy nako,” na nangangahulugang “Masaya ako na malaman na may mga tao pang may pakialam para sa akin.”

Tunay nga na sa gitna man ng unos, hindi matatawaran ang diwa ng bayanihan, pagtutulungan, at bolunterismo ng mga Filipino. (Ni Rosemarie C. Señora,DOST-STII at impormasyon mula kina Mario de la Pena at Jose Aldous R. Arbon II, DOST-VII)