Nakatanggap ng halaga na 2.3 M ang Kawayan Collective mula sa Provincial Science and Technology Center (PSTC)-Negros Oriental ng Department of Science and Technology (DOST) upang matulungan na malinang ang kanilang operasyon at mga produktong kawayan nito.
Ang Kawayan Collective ay isang kompanya sa Dauin, Negros Oriental na nakapokus sa paggawa at pagdebelop ng iba’t ibang produkto mula sa kawayan.
Ang nasabing pondo ay gagamitin upang makabuo ng eco-dryer na disenyo ng DOST- Forest Products Research and Development Institute. Kasama rin dito ay ang pagbili ng iba pang kagamitan kagaya ng blade sharpening machine, drum sander, at laminating hot press machine.
Sa kanyang mensahe, iginiit ni Provincial S&T Director Atty. Gilbert R. Arbon na layunin ng proyektong ito na makabuo ng mahusay, panmatagalang, at inobatibong pamamaraan nang pagbuo at paggawa ng mga engineered bamboo product at pataasin ang kapasidad ng mga lokal na suplayer sa pagdebelop nito.
“Through this, they would be able to process, treat and distribute beautiful, durable, Filipino bamboo as a sustainable construction material,” sabi ni Atty. Arbon,
Mula sa suportang ibinigay ng PSTC-Negros Oriental, maaaring mapataas ng Kawayan Collective ang produksyon ng kanilang engineered bamboo mula sa 132 panels sa 300 panels kada-buwan.
Paliwanag ni Architect Villanueva na ginagawang posible ng DOST na maiklin-dry ang kanilang mga engineered bamboo na produkto at matulungang tumagal at maging matibay sa mga bansang may malalamig na klima. Kaya naman, mas madali itong maiaangkat sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa suportang ibinigay ng DOST, maaari nilang madoble ang laki ng kanilang mga existing panel na walang nadagdag na labor cost.
“We can pass those savings onto customers, making it easier for more to choose engineered bamboo finishes for their homes,” pagbabahagi ni Architect Ray Villanueva, manager at co-founder ng Kawayan Collective.
Bahagi rin ng proyektong ito ang pagtatayo ng Bamboo Academy Learning Center na may layuning maipamahagi sa komunidad ang mga naangkop na bamboo technologies. Ang nasabing pasilidad ay magsisilbing daan upang palakasin ang pagtutulungan ng mga lokal na kumpanya sa larangan ng produksyon ng kawayan sa pamamagitan ng kabi-kabilang pagsasanay.
“The funds will support our "Bamboo Academy" or mobile training center where we will host regular trainings on all aspects of our business -- from propagation, to processing, to production of bamboo structures and furniture,” sabi ni Architect Villanueva.
Dagdag pa ni Architect Villanueva na sa pamamagitan ng nasabing Bamboo Academy, ninanais nila na mas maunawaan ng mga arkitekto, ininhinyero, at mga kontraktor kung paano nararapat na disensyo at tamang paggawa gamit ang structural bamboo.
Noong Pebrero 15, 2022, pormal na binuksan ng ang Bamboo Academy Learning Center kasama ang Eco-dryer. Bago ito, nagkaroon ng pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Kawayan Collective, DOST Regional Office No. VII, at PSTC-Negros Oriental noong Enero 29, 2021. Kahiwalay na MOA naman ang pinirmahan sa DOST-FPRDI para sa pormal na pagkakaloob ng Eco-dryer sa Kawayan Collective. (Ni Allan Mauro V. Marfal,DOST-STII at impormasyon mula kay Engr. Reinhold Jek Y. Abing, PSTC-Negros Oriental)