Sa pangunguna ng Department of Science and Technology (DOST)-CALABARZON, patuloy ang pagbibigay ng interbensyong siyensya at teknolohiya para sa indigenous community ng mga Aeta sa Brgy. Banoyo, San Luis, Batangas.
Sumailalim sa pagsasanay sa basic course ng pananahi ang mga kababaihang Aeta ng Brgy. Banoyo mula ika-31 ng Enero hanggang ika-01 ng Pebrero bilang parte ng panimulang aktibidad ng solar-powered sewing services enterprise na pinondohan ng DOST.
Kasama sa training ang pagtuturo sa mga kababaihang Aeta ng teknolohiya sa pananahi, mga parte ng makinarya sa pananahi, proseso sa pagsasaayos ng makinarya, mensuration o pagsusukat, pagkuha ng tamang sukat ng katawan, mga pattern sa pagpuputol at paggupit ng tela, at ang kabuuang proseso ng pananahi. Samantala, ang pagsusukat, paggupit, at mga kagamitan sa pagmamarka ay hiwalay na itinuro at ipinaliwanag sa mga kababaihang Aeta upang mas lalo nilang maintindihan ang wastong paggamit dito. Nagkaroon din ng lecture bago ang demonstrasyon at hands-on activities. Ilan sa mga naging produkto ng mga ginawang pagsasanay sa pananahi ay mga damit o blusa, mga draft pattern, at basahan.
Pinangunahan ni John Mark H. Alberto at Julianna V. De Jesus, na parehong mula sa Enrique Zobel Technical Center (ENZOTech) sa Calatagan, Batangas, ang basic course sa pananahi. Ayon kay Alberto, mabilis matuto ang ang mga kababaihang Aeta sa komunidad at nagpakita rin sila ng malalim na interes sa bawat proseso.
“Sa totoo lamang po, nilampasan n’yo po ang aking expectations. Mabilis po kayong matuto at madali n’yo pong nakukuha ang mga itinuturo namin. Nawa po ay maipagpatuloy ninyo ang aming mga naituro,” papuri ni Alberto sa mga kababaihang Aeta sa komunidad.
Nagbigay-pasasalamat din ang mga kababaihang Aeta para sa mga interbensyong natatanggap nila mula sa DOST-CALABARZON sa pamamagitan ng proyektong “Project Aetaguyod: Establishment of an S&T Based Community Livelihood for Aetas in San Luis, Batangas” sa ilalim ng programang Community Empowerment thru Science and Technology ng DOST. Nangako naman ang mga kababaihang Aeta na ipagpapatuloy nila ang enterprise na pinondohan ng DOST. Sa kagustuhan nilang makamit ang mga layunin ng kanilang community enterprise, lalo umanong paghuhusayan ng mga kababaihang Aeta ang kanilang pananahi.
"Magpapractice po kami nang magpapractice para po matuto kami. Pagbalik nyo po ay maalam na kami," pahayag ni Arlene Dela Luna, isa sa mga kababaihang miyembro ng mga Aeta.
Samantala, katuwang din ng DOST ang local government unit ng San Luis, Enrique Zobel Foundation, Inc., Batangas State University – Lipa Extension Services Office, at Young Entrepreneurs and Seniors (YES) Club Philippines, na nagbigay naman ng inisyal na tulong at suporta sa komunidad.
Pagkatapos ng ginawang training sa pananahi, ilan pa sa mga nakalinyang aktibidad para sa komunidad ay training naman sa business and financial management, marketing, at product improvement and development. Dagdag pa rito, ang mga organisasyong nabanggit na katuwang ng DOST ay nagtutulung-tulong din sa pag-iipon ng pondo sa pagpapatayo ng production facility para sa grupo ng mga Aeta. (Ni Jasmin Joyce P. Sevilla, DOST-STII at impormasyon mula sa PSTC-Batangas)