MENU

Kilala ang Mabini sa Batangas sa diving spots nito at yamang-tubig gaya ng mga isda sa dagat. Kaya tinagurian ang dagat nito bilang “center of the center of marine shorefish biodiversity”.

Upang patuloy na mapangalagaan ito, nagpatayo ang Department of Science and Technology Regional Office IV-A (DOST-CALABARZON) ng Modular Ecology-Friendly Domestic Wastewater Treatment System o MEDOWW. Layon nito na tulungang linisin ang maruming tubig mula sa tatlong napiling lugar: Municipal Tourism Office, Anilao Port Public Comfort Room, at ang Anilao Market sa Baranggay Anilao.

Dahil sa dagsa ng mga turistang bumibisita sa Brgy. Anilao kada taon, dumadami din ang naiipong basura at maruming tubig, na siya namang makapipinsala sa yamang-tubig ng Mabini.

Sagot ng DOST-CALABARZON ang MEDOWW Treatment System sa panawagan ng lokal na pamahalaan ng Mabini na tugunan ang maruming tubig na nagmumula sa pampublikong pamilihan, turismo, at sanitasyon sa lugar. Ang nasabing teknolohiya ay gumagamit ng “Vigormin organominerals” na nagpapabilis sa pagpuksa ng mga nakamamatay na mikrobyo mula sa poso negro.

Karagdagan nito, nakababawas din ang nasabing teknolohiya sa problema sa sanitasyon, hindi maayos na septic at drainage system, at kontaminasyon ng malinis na tubig. Pinapalaganap din nito ang responsableng paggamit ng tubig sa kilalang diving site ng Anilao.

Sumusunod din ang MEDOWW technology sa Administrative Order 2016-08 o Water Quality Guidelines and General Effluent Standards of 2016 na itinalaga ng Department of Environment and Natural Resources.

Sa likod ng MEDOWW Treatment System at Vigormin organominerals ay si Dr. Merlinda Palencia, isang propesor ng chemical engineering sa Adamson University sa Manila na siyang pinondohan ng DOST-Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development Institute.

Samantala, DOST-CALABARZON naman ang nagbigay ng pondo sa MEDOWW Treatment System habang ang Envigor Natural Products Manufacturing, Inc. naman ang bumuo ng Sistema gamit ang disenyo ni Dr. Palencia.

Layon ng proyekto na magsilbi itong modelo sa mga resort o bahay-pahingahan, mga establisyimento at maging mga kapitbahayan sa pagpapanatili ng kalinisan ng yamang-tubig sa Anilao.

Tinatayang matatapos ang pagbuo ng MEDOWW Treatment System sa Marso 2022. (Ni David Matthew C. Gopilan, DOST-STII at impormasyon at larawan mula kay John Maico M. Hernandez, DOST-CALABARZON)