MENU

Sa ilalim ng programang Community Empowerment thru Science and Technology (CEST) ng Department of Science and Technology (DOST), nilunsad ng DOST-Region I ang simula ng 120 araw na feeding program sa mga barangay ng Diaz, Palisoc, at Vacante sa Bautista, Pangasinan.

Katuwang ang Provincial Science and Technology Center (PSTC)-Pangasinan at ang kooperasyon ng mga barangay health worker, nakapagtala ang DOST-I ng 65 undernourished na mga bata sa lugar na siyang sasailalim sa supplementary feeding program.

Katulad ng Package for the Improvement of Nutrition for Young children (PINOY) strategy ng DOST, bibigyan din ng complimentary food ang mga kalahok na bata sa loob ng 120 araw bilang karagdagang nutrisyon sa kanilang regular na pang-araw-araw na pagkain. Bukod pa rito, susukatin din ang kanilang timbang kada buwan upang masuri ang pagbabago sa nutritional status ng mga bata. Dinebelop ng DOST-Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ang complementary food technology na ito.

Isa si Cecilia Solomon, barangay midwife-designate, sa mga kasama sa paglulunsad ng programa. Aniya, hinikayat niya ang mga magulang ng mga batang kalahok sa feeding program na mas maging mapamaraan sa paghahanda ng masusustansyang pagkain para sa kanilang mga anak.

“Nutrition doesn’t stop after the 120 days feeding, let us help in improving and sustaining a good nutritional status of our children after the feeding program,” dagdag pa niya.

Samantala, ipinakita naman ni Jennifer Fernandez, Science Research Specialist II mula sa DOST-I, ang tamang preparasyon ng food blend. Pinangunahan din niya ang pamamahagi ng anim na kahon ng ready-to-eat (RTE) chicken arroz caldo para sa mga benepisyaryo ng programa. Ang RTE chicken arroz caldo, na dinebelop ng DOST- Industrial Technology Development Institute, ay isang klase ng “packaged food” na hindi na kailangang lutuin at may matagal ang shelf-life—angkop na pagkain sa panahon ng kalamidad. (Ni Jasmin Joyce P. Sevilla at impormasyon mula kay Lyngel B. Ulanday, DOST-I)