“Malaki ang papel ng syensya sa pagsisigurado na mayroon tayong pagkain sa ating hapag kainan. Tinutulungan ng ating mga siyentista at mga mananaliksik ang ating mga magsasaka at mangingisda upang mapataas ang kanilang ani, pati na rin ang kanilang kita.”
Ito ang naging pahayag ni Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary for Research and Development Dr. Rowena Cristina L. Guevara sa paglulunsad kamakailan ng Flavors of Science Campaign na kumikilala sa ambag ng mga magsasaka, mangingisda, at siyentista sa pagtiyak na may sapat ng supply na kalidad na pagkain para sa mga Pilipinong konsyumer at mga negosyante.
Ang kampanyang Flavors of Science ay isang inisyatibo ng DOST-Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) na may layong maibahagi sa mga Pilipino ang kahalagahan ng kontribusyon at paghihirap ng mga magsasaka at mangingisda upang masiguro ang kalidad na ani.
Layunin din nitong makapagbigay ng oportunidad na ipaalam sa publiko ang siyensya sa likod ng mga produktong ani sa pagsasaka at pangingisda na kanilang kinokonsumo, lalo na ang pag-aaral na mga ginagawa ng mga mananaliksik sa paghahanap ng mga paraan upang mapataas ang ani sa pamamagitan ng mga solusyong base sa agham at teknolohiya upang maiwasan at maalis ang mga peste, makontrol ang mga sakit, maka-debelop ng mga bagong produkto, at iba pa.
Upang magawa ito, nakipag-collaborate ang DOST-PCAARRD sa sikat na chef, restaurant owner, at artistang si Marvin Agustin bilang agri-aqua ambassador ng naturang kampanya. Ipakikita ni Agustin ang iba’t ibang mga recipe gamit ang ani mula sa pagsasaka at pangingisda mula sa pag-aaral ng DOST-PCAARRD. Ipakikita rin niya ang mga taong responsable sa mga inobasyon at mga lugar kung saan nangyayari ang mga pagbabagong ito.
Bilang isang chef, adbokasiya ni Agustin ang pagkakaroon ng sapat na pansariling kakayahan ng Pilipinas sa pagprodyus ng pagkain, kung saan ang mga malalaking kainan o restawran ay gagamit ng mga sangkap na produktong lokal, imbes na mag-angkat pa sa ibang bansa.
“Bilang Pinoy, masasabi ko na mas gusto ko sanang gumamit ng mga produce na talagang galing sa Pilipinas. Una sa lahat hindi lang talaga sa mapapatunayan natin na super fresh ito dahil galing sa ating bansa, hindi bumabyahe ng malayo. Ang maganda rin dito ay nagkakatulungan ang maraming sector, ang mga farmers, kami as a consumer, tsaka business owner,” aniya.
Nakipag-ugnayan ang DOST-PCAARRD kay Agustin matapos malaman ng ahensya na nagustuhan ni Agustin ang Markaduke, isang native na baboy na karaniwang ginagamit sa paglilitson na dinebelop ng Marinduque State College katuwang ang DOST-PCAARRD. Sa tulong ng malawak na social media reach ni Agustin, kasama na rin ang kanyang mga recipe at adbokasiya, ay makatutulong na maraming maabot na mga Pilipino upang malaman nila ang agham at teknolohiya sa pagkaing Pinoy, lalo na yaong natutulungan ng lokal na insyatibo ng research and development.
Ang mga R&D output na ito ay parte ng Niche Centers in the Regions for R&D (NICER), isang program ng DOST na nakikipagtulungan sa mga higher learning institution upanag mapalakas ang kanilang kakayahan sa pananaliksik sa pamamagitan ng paggamit ng angkop na kaalaman at kagamitan. Sa kasalukuyan, mayroong 19 NICERS sa 17 na rehiyon sa buong bansa na nakatuon sa food production. Ang NICER program, na kabilang sa mas malaking programang Science for Change Program o S4CP, ay naglalayong mapaunlad ang kakayahan ng bansa pagdating sa research and development.
“Inaasahan ko na mas maraming tao lalo na sa ating kabataan ang magpapahalaga sa syensya at teknolohiya, at mabuksan ang kanilang mga mata at isip na may syensya sa likod ng bawat pagkain na inihahain sa ating hapag kainan,” pagtatapos ni Guevara sa kaniyang talumpati. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII)