MENU

 

Sumailalim sa maigting na pagsasanay ang 23 regular certifiers at apat na miyembro ng Quick Response Team (QRT) ng Department of Science and Technology – Region I (DOST – I) bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na 2022 National and Local Elections (NLE).

Ang grupo ay binubuo ng mga empleyado ng DOST-I at mga kinatawan mula sa State Universities and Colleges (SUCs) kabilang ang Mariano Marcos State University (MMSU), Pangasinan State University (PSU), at University of Northern Philippines (UNP).

Ang mga regular certifiers na ito ang magsisilbing tagapagsanay ng magiging miyembro ng Electoral Boards (EBs) na binubuo ng mga guro mula sa Department of Education (DepEd) na pinili naman alinsunod sa pamantayan ng Commission on Elections (COMELEC).

Ayon sa Amended Automated Election Law, Republic Act No. 9369, kinakailangan ng DOST na pangasiwaan ang sertipikasyon ng mga miyembro ng EBs bilang mga information technology-capable people na kayang gamitin ang Vote Counting Machine (VCM).

Noong Nobyembre ng nakaraang taon pa nagsimula ang training ng mga regular certifiers at QRT members kung saan itinuro na rin sa kanila ang paggamit ng DOST Certification Portal na kasama sa mga bagong proyekto ng kagawaran bilang tugon sa paghihigpit dulot ng pandemya at paggamit ng digital signatures para sa mas malinis, mabilis, at maayos na halalan.

Ang DOST Certification Portal ay isang web application na ginawang platform ng mas maginhawang Electoral Board registration and assessment, at tagapagbigay ng mahalagang impormasyon para sa Certification Program at sa sertipikadong Electoral Boards na magiging bahagi ng NLE.

Gagamit na rin ng digital signatures para maiwasan ang pangingialam at paggaya sa digital communications. Sa ganitong paraan ay matitiyak ang integridad at katotohanan ng isang mensahe, software, o digital document.

Ito ang unang eleksyon na gagamit ng digital signatures bilang pamalit sa physical o handwritten signatures kung saan ang nakaugalian ay pinipirmahan muna ng mga EB ang mga dokumento bago ipasa para sa final canvassing.

Sa darating na Marso ay magsisimula na sa series of training ang mga napili ng COMELEC na EBs para sa eleksyon sa ika-9 ng Mayo 2022 at isa na nga sa dapat nilang maipasa ay ang DOST Certification Program. (Ni Jerossa A. Dizon, DOST-STII at impormasyon mula kay Carla Joyce B. Cajala, DOST-I)