Napagkalooban kamakailan ng Grant-In-Aid (GIA) assistance na nagkakahalaga ng higit PhP 1.3 milyon ang Baking Small Coconut Association (BSCA) at Gasa ELCAC Women’s Association (GEWA) mula sa Department of Science and Technology Regional Office IX (DOST – IX), sa pamamagitan ng Provincial S&T Center katuwang ang lokal na pamahalaan ng Lakewood sa Zamboanga del Sur.
Ilalaan ang nasabing ayuda sa pagtatayo ng Coco Fiber Production Facility at Salabat Granule Processing Facility kung saan kabilang na rin ang pagpupundar ng mga gamit at mateyales gaya ng coco husk decorticator, coconut coir twining steel (pedal type), heavy duty juice extractor at iba pa.
Kasama rin sa paggagamitan ng pondo ang mga pagsasanay para sa product development, pagtuturo ng packaging at labeling ng mga produkto, at pag-oorganisa ng mga technology skill related training na gagawin sa panahon ng pagsasagawa ng proyekto.
Ang coconut coir (fiber) ay ang mga hibla na nakukuha mula sa bunot ng niyog na isa sa mga pangunahing materyal na ginagamit sa paggawa ng net o lambat, lubid, at banig bilang pantakip sa lupa at slope o dalisdis habang ang salabat granules naman ang inilalagay sa mga pakete at ibinebenta para maging ginger tea.
Binubuo ng 200 miyembro ang BSCA habang 29 katao naman ang GEWA na parehas na kasisimula pa lang sa industriya ng pagsasaka ng niyog at luya.
Kabilang din sa mga dumalo at nagpakita ng pagsuporta sa naturang ganap ang alkalde ng Lakewood na si Kgg. Domingo V. Mirrar; mga konsehal mula sa mga Barangay ng Baking at Gasa na sina Kgg. Irenia Pamugas at Kgg. Ela L. Antubo; BSCA President Quinciano Dadulo; at mga empleyado ng PSTC-ZDS na pinangunguhanan ni PST Director Engr. Gerardo F. Parot.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa GIA Program ng DOST, mga proyekto at serbisyo, maaaring tumawag sa (062) 991-1024 / (062) 925-1838, magpadala ng email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o bisitahin ang kanilang Facebook page na www.facebook.com/DOSTRegion9. (Ni Jerossa A. Dizon, DOST-STII at impormasyon mula kay Jan Melvin Vallejo, DOST-IX)